Biyernes, Nobyembre 5, 2010

San Mateo. Nobyembre 4, 2010

Mga Tauhan
Frexy - 4th year student na kumukuha ng Architecture sa UST. May isang taon pa siya bago magtapos.
Ako - graduating na estudyante sa Ateneo, kumukuha ng kursong Creative Writing.


Sa McDo, habang kumakain ng Twister Fries.


1
Ako: Magkano ba usually kapag magpapagawa ng bahay sa architect.
Frexy: Depende. Ano bang gusto mo?
Ako: Gusto ko spacious. Simple lang, pero spacious.
Frexy: Pag ganun maghahanda ka ng mga 10-15 Million.
Ako: Ganun? Ang mahal naman...
Frexy: Mga 20 siguro pag kasama na yung interior ng bahay.
Ako: Grabe.
Frexy: Pero depende rin sa architect, kapag bago madalas mas mura--
Ako: *wide grin*
Frexy: AY
Ako: ALAM NA :D


2
Ako: Gusto kong magpatayo ng bahay, after college. Yun ang magiging priority ko.
Frexy: Tama yan.
Ako: Kaya lang ang hirap, ang mahal pala.
Frexy: Madali lang 'yan basta i-prioritize mo. Tutal wala ka pa namang boyfriend.
Ako. Yun yun e. YUN YUN E.


3
Ako: Gusto ko nang makaranas ng relationship, para lang maramdaman ko na may magkakagusto rin sa kin.
Frexy: Meron 'yan. Sa work.
Ako: Waaaaaaaah.
Frexy: :))
Ako:...pero natatakot din ako.

San Mateo. Nobyembre 4, 2010

Nasa Nangka na ako nang magtext sa akin si Frexy, nag-aya siyang lumabas at tumambay. Pauwi na ako galing sa Ateneo, at wala naman talaga akong gagawin sa bahay na urgent kaya inaya ko siya sa McDo San Mateo. So sinundo muna ako ni Frexy sa bahay. Tapos naglakad kami papuntang McDo. Nilibre niya ako ng Float. Dumaan kami sa RCSM. Sarado na yung campus at si Manong Guard na hindi namin kilala ang nandun. Sa harap ng gate na grills, tumayo lang kami dun ni Frexy. Nag-usap lang kami.

"Wala na bang tao?" tanong ko.
"Anong oras ba labas nila?"
"Dati kasi, 6:30 yung sa 'tin. Ay, 6:10 pala."

Nilapitan kami ni Manong Guard.

Si Frexy ang nakipag-usap sa kanya. "Puwede ho ba kaming pumasok?"
"Alumnus ho ba kayo?"
"Opo."
"Bawal e."
"Ay, ganun po ba. Dito lang po kami."

At habang nandun lang kami, nakatayo sa gate ng RCSM, may sinabi si Manong Guard.

"Mapapagod din kayo."

Ang lalim naman ni Manong Guard, naisip ko. Naghintay pa ako ng mas lalalim pang susunod na banat. Na mapapagod din kaming maging nostalgic, o tumingin sa nakaraan, kasi walang sense. Sayang lang ang oras. Ganun ba, Manong Guard? Ganun ba? Hinintay kong sabihin niyang tama ako, nang tanungin siya ni Frexy kung anong ibig sabihin niya sa sinabi niyang iyon.

"Ang sabi ko, mapapagod din kayo d'yan. Mangagawit kayo sa pagtayo."

'Nga naman, Manong Guard. Kaya nga bumalik uli kami sa McDo ni Frexy.

Miyerkules, Oktubre 27, 2010

Huling Sembreak Ba 'Kamo?

Oo. Pero hindi ako nakasama sa trip ng mga kaibigan ko sa Tagaytay (na pinlano pa noong simula pa lang ng semestre, sa Kenny Roger's Katipunan). Pero ni hindi ako nag-swimming sa private swimming pool (and cottage?) sa Pansol, Laguna na treat ng daddy ko at ng mga high school friends niya. Ni hindi rin ako nagbabasa ng mga nakatambak kong mga libro sa kuwarto ko (o sa loob ng Reading Materials folder ng laptop ko). Ni hindi nga ako makahabol ng tulog.

May trabaho uli ako, tulad nung bakasyon. Pero gusto ko rin ito. Syempre naman, sa tatlong sembreak na dinaanan ko, mas mabuti nang may ginagawa akong trabaho para sa iba kaysa magpa-amag sa loob ng bahay. Tsaka bukod sa utang na loob, kailangan ko rin ito. Hindi talaga nakakapagod yung trabaho. Hindi rin naman kasi ako pinababayaan sa opisina. Laging ngang busog e. Ang nakakapagod ay iyong ultimong paggising sa umaga (dahil gabi-gabi, ako lagi ang naaatasang magpuyat para may tatao sa bahay), iyong pagbiyahe (lalo na nitong hapon, kasi umulan nang pagkalakas-lakas ewan kung bakit biglang nagbara ang mga sasakyan sa daan papuntang Marquinton/Blue Wave Marikina galing Marcos Highway), at iyong pagpupuyat.

Nakapag-enlist ako nang maayos (at nakatanggap pa ng marami pang biyaya!). Tulad nitong nakaraang semestre, wala na naman akong ideya tungkol sa mga prof ko. Kalagitnaan ng sem nang malaman kong naging prof ng kuya ko si Sir Mariano sa Philo 103. At tapos na ang sem nang malaman kong naging prof din niya si Sir Ruben sa Theo 151. Bukod sa "bahala na," kakayanin 'yan.

Marami akong mga bagay na nalaman tungkol sa sarili ko nitong dumaang sem: Hindi ako laging mabait. Mas nasasakyan ko talaga ang cramming para sa maraming bagay. Mas may nagagawa ako kapag chillax ('yun bang naghahapit ako ng paper one hour bago ang deadline pero hindi ako nagmamadali). Kailangan ko ng oras para sa sarili ko. Kuripot ako (o well, hindi ako mayaman). Isa akong disappointment ng mundo. Makasarili ako. Sobrang intimate akong tao pero dahil sa sobrang intimacy kinukulob ko na lang. Takot ako sa pagmamahal. Hindi talaga para sa akin ang pagmamakata. Hindi ako ipinanganak na makata. Hindi napipilit ang panunula. Hindi mo rin mapipilit ang kahit anong uri ng pagsusulat, lalo na't hindi ito tugon sa isang pangangati (pangangailangan) na isulat kung ano man ang nais isulat ng sarili. Suwertehan ang pagsusulat. Hindi ako makata.

Sabi nga nila, "that's how I roll, bitches."

Miyerkules, Oktubre 20, 2010

Sa Huling Araw ng Unang Semestre ng Aking Huling Taon sa Kolehiyo

Pinahirapan mo ako, pero ayos lang. Keri lang.

Nung simula akala ko magiging carbon copy ng nakaraang semestre (huling semestre ng ikatlong taon ko sa kolehiyo) ang semestreng ito -- gloomy, stress araw-araw, pahirapan magsulat, the-world-doesn't-care-anyway-so-why-do-I-have-to-care-at-all ang drama, at oo, yung mismong drama. Mahirap sa simula, kasi ang bigat-bigat ng pakiramdam, pero tinutulak ako ng panahon: galaw, sulong, umusad ka! Walang maghihintay para sa 'yo. Hindi ka nila hihintayin. Hindi sila lilingon para sa 'yo.

May mga kinailangan akong timbangin. May mga bagay at konsepto akong binitawan para manatiling buhay. May mga hindi rin ako binitawan (pero kaya rin nilang bumitaw, kung gugustuhin nila). Pahakbang-hakbang lang. Tigil agad kapag delikado. Tapos lakad uli. Iniwasan kong kaladkarin ang sarili ko sa mabatong buhay na ito. Lahat, tungkol sa pag-agos. Para kang naglalakad sa tubig. Damhin ang pag-agos, sundan ito.


Marami akong mga bagong naranasan ngayong semestre. May mga bagong nakilala (at nakikilala pa rin). May mga bagong pagtatanto (na technically, kaya kong mabuhay nang walang cellphone; na hindi ko kayang magsulat nang maayos kapag medyo lasing; na hindi rin palang masama na isipin muna ang sarili bago ang iba; na may mga college students na stuck pa rin sa high school phase; na kailangan ko ng distraction para makapag-focus; na puwede kong ikabuhay ang pagi-stalk sa internet; na masaya ang mundo kapag may musa; na marami pang espasyo para sa iba pang pagtatanto). Pakiramdam ko ngayong sinusulat ko ito, ang tanda-tanda ko na.

Madalas pa rin akong mahuli sa mga klase. Nag-cut pa rin naman ako sa ilang mga klase dahil tinatamad lang ako (o dahil may iba akong ginagawa na importante o hindi naman talaga importante pero trip ko lang). Hindi ko rin ginamit nang maayos ang mga breaks ko (ehemfacebooktumblrtwitterbloghoppingehem). Hindi rin ako madalas mag-recite. 'Yung unang recitation ko sa Theo, pinilit ko lang sarili ko kasi feeling ko nagpapa-impress ako haha (sana nga na-impress). May mga pagkakataong hindi ako nakapagbabasa/nagbabasa ng mga readings. Ang sabi ko sa guidance interview ko, titigilan ko na ang paghahapit (cramming), pero ang paghahapit pa rin ang naging paraan kung bakit ko nalagpasan ang semestreng ito. Ayoko na ngang tawaging paghahapit o cramming o procrastinating yun e, masyadong negative. Ewan, ngayon ko lang talaga napi-pick up kung paano talaga ako nakakapagsulat (o nakakatapos ng kahit anong gawain).

Malaking tulong din ang [Im]Personal ni Rene O. Villanueva, na binili ko dahil sale sa National Bookstore Katipunan. Sa kalagitnaan ng pagrerebisa/pagsusulat ko para sa Thesis, binasa ko ang ilang mga bahagi nito. Isa sa mga tumatak sa isipan ko ay huwag haharap sa computer (o papel) nang hindi mo alam kung ano ang isusulat mo. Marami ang tataas ang kilay sa ganitong "suhestiyon." Maging ako, parang instinct na rin bilang nagsisimulang manunulat na sabihing 'I take that as a challenge!" Tsaka tingin ko ganun talaga nagsisimula hindi ba, magtitigan muna kayo ng computer screen/papel. O di kaya, bungi-bunging konsepto pa lang ang nasa isip mo pero ang attitude "go lang, go with the flow this will take me anywhere it wants me to go." Pero iba nga rin pag alam mo na (kahit papaano, take note) kung paano magtatapos yung sinimulan mo. Para sa akin, gumagana ang estilong ito. At 'yung katotohanan na nagpapasailalim ako sa isang proseso o sistema ng pagsusulat ay isang senyales ng maturity (woot woot!) - at least pagdating sa sensibilidad ko tungkol sa pagsusulat haha.

May mga araw na dumaan lang. May mga araw na pinukpok ako sa ulo. May mga araw na binabad ako sa pulotpukyutan. May mga araw na walang iniwan sa akin. May mga araw na may ninakaw. May mga araw na suplado. May mga araw na paasa. Lagi naman e. Basta ako, nandito lang.

Linggo, Setyembre 12, 2010

Meiosis

Kaya siguro maraming manunulat ang marunong magsigarilyo, dahil sa pakiramdam na ito:

Yun bang di ka mapakali, may nais kang isulat pero gusto mo ring mag-jumping jacks at mag-jogging. May naiisip kang konsepto pero kumakawala, kaya gusto mo na ring magwala. Kung pwede lang sanang ikadena mo ang sarili mo sa upuan. Pero alam mong mababaliw ka. Mababaliw at mababaliw ka.

Biyernes, Setyembre 10, 2010

Paglalakad:

Mas gusto kong maglakad, kaysa mag-tricycle o pedikab. Siguro epekto rin ito ng mga kung anu-anong nangyayaring nakawan o krimen na may kinalaman sa pagsakay sa tricycle, pedikab, at pati na rin sa taxi. Dahil sa talamak na krimeng nangyayari sa paligid, hindi maiiwasang mawalan ako ng tiwala sa ibang tao - tulad nung naramdaman kong pagkahungkag nung ninakaw yung cellphone ko. Siguro yun yung isang saglit sa buhay ko na muntik nang mawala ang tiwala ko sa buong lipunan. Dahil para sa akin, anon ang nangnakaw ng phone ko, na maaaring siya, ikaw, kung sino man, at nirerepresenta niya ang mga nilalang na maliban sa aking sarili. Alam mo yun, yung bang ikinilos mong pagsakay sa jeep, simple lang yun at tila ba napakakaraniwang gawain pero sa aktong iyon ipinagkakatiwala mo ang buhay mo sa driver at konduktor, nagtitiwala ka sa katabi mo na hindi ka hihipuan o nanakawan. Sila, hawak nila ang buhay mo - responsibilidad ka nila (at sana alam nila yun no) tulad ng pagiging iba mo para sa kanilang perspektibo.

Sa pagpili ng paglalakad imbes na pagsakay sa kung ano mang uri ng transportasyon, nararamdaman kong mas ligtas ako. Hindi naman sa mas konti ang porsyento para sa aksidente o kung ano man kung maglalakad lang ako (para ngang mas malaki pa e). Meron lang iba, na hindi ako gaano mag-aalala tungkol sa iba kung wala man silang pakialam sa kaligtasan ko.

At syempre, gusto ko lang naman talagang maglakad. Kunwari, nasa pinakadulo ako ng kahabaan ng Katipunan, mas gugustuhin ko pa ring maglakad para makarating sa kabilang dulo. Kung hindi naman kinakailangan, hindi ako nagtra-tricycle papasok sa campus.

Tuwing may nangyayaring aksidente o piyesta dito sa bahagi ng San Mateo na malapit sa amin, lagi nilang sinasara ang main na kalsada. Kung paluwas ng San Mateo ang mga sasakyan, sa may likod ng Sta. Ana at sa Pelbel na pinadadaan ang mga sasakyan. Sa mga papunta sa kabilang direksyon, pinapadaan na ang mga sasakyan sa Paraiso diretso na hanggang palengke ng Guitnangbayan para iwasan ang plaza (na hindi naman ginagamit nang maayos kaya sa kalsada nagdaraos ng flag ceremony o kung ano man ang munisipyo). Tatlong beses nang nangyari na bumaba ako sa Paraiso para maglakad papunta sa amin. Paano kasi nasa kalagitnaan ng Paraiso at plaza ang bahay namin, mas malalayuan pa ako kung hihintayin ko uling bumalik sa main na kalsada ang ruta ng sasakyan. Para ko na ring nilakad ang kahabaan ng Katipunan, pero ayos lang.

Wais ang mga pedikab sa may Paraiso. Kapag alam nilang may fiesta sa Sta. Ana (na hindi ko alam kung naging ok, basta alam ko pumunta ang Wowowee), Guitnangbayan (para sa "kilalang" Kakanin Festival), o di kaya sa Dulongbayan (ang pinakabonggang fiesta sa buong area ng San Mateo at Montalban), pipila na sila sa kanto sa may Paraiso, handa para sa mga tulad kong nakatira sa Sta. Ana at Pelbel. Mabilis din silang mag-isip. Tulad nung bumagsak ang apat (sabi ng iba, anim) na poste ng Meralco sa kalsada sa amin.  Mula plaza, hanggang sa may Paraiso, sarado ang kalsada. At silang mga padyak, handa na't nakapila. Pero mas gusto ko pa ring maglakad kaysa mag-pedikab.

Ayoko nga rin palang mag-aksaya ng pamasahe (kahit barya lang), kaya naglalakad ako. At para sa isang tulad ko na nangangailangan ng ehersisyo pero hindi nag-eehersisyo, intense na siguro para sa akin ang brisk walking sa initan ng araw. Lalo na't ako yung tipong madalas pinagkakaitan ng pawis.

Mas marami lang ding bagay ang nangyayari kapag naglalakad. Mas marami akong nakikita, malinaw pa di tulad kapag nasa umaandar kang sasakyan. Mas marami akong naiisip dahil walang naghehele sa isipan ko.

Minsan nakakapagod din. Minsan mabagal ang mundo kapag naglalakad. Saka alangan namang lakarin ko Katipunan hanggang San Mateo o vice versa (pero pumasok na rin yun sa isip ko nung panahon ng aftermath ng Ondoy).

Takot na takot ako tuwing mananaginip ako na hindi ko kayang maglakad (o mas specific, hindi ko kayang umakyat sa hagdan). Gumagapang na lang daw ako, tapos kahit na sa paggising dala-dala ko pa rin yung pagkapagal mula sa panaginip ko. Nakakatakot ang mundong nawawalan ng lakas ang mga binti mo't paa.

Kaya gusto ko ang paglalakad.

Linggo, Agosto 22, 2010

First firsts

First time sa Araneta, first time sa live basketball game, first time sa live UAAP game, first time sa Ateneo game, first time sa Ateneo-La Salle game, first time at panalo pa ang Ateneo! ONE BIG FIGHT!

Buti na lang talaga nakasama ako. Kung hindi ako nakasama, baka isa na naman 'to sa mga pagsisisihan ko sa hinaharap.


Marami rin akong natutuhan/nalaman ngayong araw na 'to:

- Bago ang game, dumaan muna kami sa Fully Booked ni Gel. Napakasaya naming nalaman na malaki ang pinagkakaiba ng isang children's story pag dinugtungan mo ng "you bitch" ang bawat dulo ng mga dialogue rito.

- French naughty/sexy phrases mula sa isang libro. Pero hindi ko nakabisado haha. Siguro tama na yung nasa lyrics ng Lady Marmalade.

- Italian sexy/naughty gestures. Muli, mula sa libro.

- Hindi porket nasa 'unahan' ka ng pila, legal na yun.

- Sa basketball game, OK lang maging harsh at discouraging. Lalo na tuwing magfi-freethrow ang kalaban, o yun bang simpleng magshu-shoot at magri-rebound sila.

- Ginagawa itong gesture na ito kapag Ateneo ang magfi-freethrow. Ang sarap ng pakiramdam na sinusuportahan mo doon mismo sa court yung mga players. Tapos tuwing gagawin itong gesture na ito, pakiramdam ko pinagsama-sama lahat ng magis na mayroon ang Ateneo audience para maka-shoot ang player.

- May mga araw na ganito, na OK lang kung marami kang kapareha ng damit. Ng damit mismo ha, hindi lang basta kulay ng damit.

- Cool ang mascot ng Ateneo.

- Hot ang mga taga-drumline ng Ateneo. Ang sarap nilang panoorin habang nagtatambol with passion.

- 100 years na pala ang La Salle.

- Hindi magandang tingnan na nagwalk-out yung mga supporters ng isang school/university pag natatalo na yung team nila. Hindi talaga. Kawawa naman yung players, nakakabawas ng self-worth 'yun. Sana man lang sinuportahan nila yung team nila hanggang sa huli - alam mo 'yun, 'yung cliche na maski hindi panalo basta todo effort? Para bang "win or lose, it's the school we choose." Sana ganun man lang.

- Parang misa 'yung basketball game. Tatayo ka para sa mahahalagang parte. Well, para sa buong game. Pahinga lang yung mga time out at half time.

- Masayang maging Atenista!

Martes, Agosto 17, 2010

Kenko

1


I live in a country where people crave for snow. Some, during the hottest days of the country, silently pray for it, if not for rain. Every Christmas, children would scrape styrofoam to invent a drizzle of snow. Whenever people would go abroad, those who stay behind would jokingly say, “Hey, send us a jar of snow!” For many, seeing and touching snow has become a lifelong dream. I’m not one of them, but I’m not a pessimist.

When I was a kid, I don’t know exactly when in my childhood, I remember hearing an unfamiliar sound of too heavy raindrops on our roof. We knew it wasn’t mere rain, there was something else – like coins or marbles being thrown on our roof by drunkards or children who were passing by. The noise continued, and it bothered me. Curious, I went out to the street and saw people cupping their hands in mid-air, as if to catch something precious from the sky. Looking up, I observed very small, round objects bouncing on the roofs of houses. And I realized, the very small, round objects were everywhere, bouncing heavily at first, then just silently rest: on the street, in the gutter, on heads, on hats, in the folds of one’s shirt, a child even collected a number of it by holding an inverted umbrella. I picked one from the ground, and felt it melt in my palm. It was ice.

It wasn’t even snow, but somehow, it suffices.

Linggo, Agosto 8, 2010

Sunday Spend Day

So sabi ng mama ko, bibili kami ng lahat ng mga kakailanganin ko para sa yearbook photoshoot ko. Sapatos lang naman sana, tapos ilang abubot. Kaya pumunta kami sa SM Fairview kasama si daddy, naghanap ng sapatos sa mga boutique at department store, sale man o hindi. Maraming ok, na kung hindi lang gipit sa budget ok na. Marami namang masyadong sunod sa uso - ang lame ng mga colors na uso ngayon, pero maganda sana ang mga disenyo. Classic lang naman sana ang gusto ko - red pumps. E wala e. Hindi ako yung tipong nagse-settle sa kung ano meron e (kahit na isa sa mga leksyong tinuro sa kin ng mama ko e "kainin kung ano ang nakahain sa mesa"). Walang red pumps, 'wag na lang. At nang dumayo kami sa National Bookstore, napagtanto kong libro pa rin ang pipiliin ko bago kung ano pa man (lalo na kung on sale, o depende kung alin ang sale). 






OK, so 'eto ako na naka-Heights shirt, nakikinig ng Sugarcult discography, at nagmu-multitask sa internet: 



 



 
Father Poems - edited by Alfred A. Yuson and Gemino H. Abad  (Sa poetry class ni Sir Yuson, nabanggit niya itong librong ito. Pagkatapos binigyan niya kami ng poetry assignment - magsulat daw kami ng mother/father poem.)

 
Edad Medya ni Jose F. Lacaba (kalipunan ng mga tula)


  
 
 

Rosario is Dead by Majgull Axelsson (Documentary novel (creative nonfiction?) na gawa ng isang Swedish, isinalin sa Ingles, tungkol kay Rosario Baluyot - isang pulubi sa Olongapo na namatay noong Mayo 1987. Sabi sa synopsis, tinatalakay nito ang sexual exploitation na talamak noon sa Olongapo.)
  



 


Ang Silid na Mahiwaga, kalipunan ng kuwento't tula ng mga babaeng manunulat - patnugot si Soledad S. Reyes (Wasak itong librong ito, iba pa rin talaga kapag nanggaling sa babae ang isang piyesa lalo na't ito'y isang tula.)
 






 

(Parehong Beyond o :3 )
 

Beyond Life Sentences by Eileen R. Tabios (Koleksyon - as in KOLEKSYON! - ito ng mga tula ni Eileen Tabios. Naintriga lang ako, at nasabik din ako sa mga tula.)
 

Beyond Love ni Dominique Lapierre (Nanggaling ito sa Book Sale. May blurb dito si Pope John-Paul II pero hindi iyon ang dahilan kung bakit ko ito binili. Hindi na dapat kasi ako bibili ng libro sa Book Sale, kasi nakarami na ako sa Natio. Hindi ko lang natiis itong librong ito dahil may kaparehang factor ito sa kuwentong/proyektong kasalukuyang hinahasa ng isa kong kaibigan. Hindi ko nga alam kung ipapabasa ko muna ito sa kanya ngayon, o hihintayin ko munang matapos ang thesis namin bago ko ito ipahiram sa kanya. Nakakawindang din kasi iyong pakiramdam na 'yung sinusulat mo, may [halos] kapareha na - gaano mang kaliit na pagkakaparehas iyan.)
  







At nadagdagan na naman ang listahan ng mga librong akin na pero hindi ko pa nababasa.




Sabado, Agosto 7, 2010

Paglalakad:

pasulong, at laging paisa-isa lang ang hakbang.

Tulad ng maraming mga bagay, kasama na ng araw-araw na routine ang paglalakad. Pagkabangon mo sa higaan, naglalakad ka papunta sa banyo o sa hagdan o sa kusina. Pag may kukunin ka sa ibang lugar, naglalakad ka. Basta, pag pupunta ka sa ibang lokasyon mula sa iyong kinatatayuan, syempre, maglalakad ka. (Liban na lang kung ikaw yung tipo ng tao na laging tumatakbo kahit saan at kahit kailan - may naging kaklase akong ganoon.) Medyo involuntary na kilos na yun. Pag naglalakad ka naman, madalas hindi ka malay na naglalakad ka nga - alam mo yun, masyado na tayong sanay.

Maraming nangyayari kapag naglalakad: puwedeng tingnan ang paligid, pagmasdan ang ibang mga tao, hayop, at bagay, o mag-isip, kausapin ang sarili, yung mga ganoong tipo ng gawain na magagawa mo pag nakaupo ka naman - pero may ibang karanasan pag naglalakad. Pag naglalakad ka kasi gumagalaw ka, umuusad. Nag-iiba ka ng lokasyon at lugar. Umuusad. Gumagalaw. May patutunguhan ka, sigurado yun. Hindi lang ang paligid mo ang gumagalaw. Ikaw din, gumagalaw. Kabilang ka sa mundo, at malaki ang mundong ito.

Kaya, sulong, at laging paisa-isa lang ang hakbang. Maging malay sa bawat hakbang.

Linggo, Mayo 16, 2010

Umagang-umaga, may nagbigay ng rosas



Galing sa 750words.com:


"You have 41 points so far this month. You've written something on 53% of the days this month, and have completed 750 words on 88% of the days you started. Pretty good!
15 more days to go in this month."

Hihi, penguin na ako. Nakakabanas kaya sa simula, itlog. Nung nag-3 days in a row ako naging peacock, kaya lang may nangyaring sobrang babaw na naging dahilan para di ako makapagsulat para sa ika-apat na araw, kaya bumalik uli ako sa pagiging itlog. Pero ngayon penguin na ako haha!

Sana magtuloy-tuloy na 'to. Kasi seryoso, dahil sa 750words.com bumabalik na uli yung momentum ko at yung friendship ko sa mga salita.

Sabado, Mayo 15, 2010

Gusto ko ng mangga

Expert daw akong kumain ng mangga, sabi nila. Sa amin dito sa bahay, ako lang yung talagang kinakain yung mangga nang buo - hindi naman buong-buo, madalas kasi pisngi lang kinakain ng mga tao e, iniiwan nila yung buto o yung gitnang parte. Ako, sinusulit ko yung buto - lalo na kung hinog na hinog yung mangga. Sayang naman e. Tsaka nandun yung pleasure, yung full contact mo sa mangga - sa may buto, ang core. Mayroon ding iba sa pagkain ng mangga, kailangan naroon ka. 'Yung pakiramdam na hindi mo nararamdaman kung mansanas ang kinakain mo, o rambutan, o avocado, o pakwan. Mangga kasi e.

Nung nasa high school ako, may tula kaming binasa at pinag-aralan bilang introduksiyon sa tula. Hinahanap ko nga sa internet, hindi ko mahanap kasi di ko na matandaan kung ano ang pamagat at kung sino ang nagsulat. Basta kinumpara ng makata ang pagkain ng mangga sa pagbabasa ng tula. Mula sa pagbabalat, sa pagkain sa pisngi, hanggang sa pagsipsip sa mga lamang dikit sa buto, dapat dahan-dahan. Ninanamnam.

'Yung huling beses na talagang nag-indulge ako sa pagkain ng mangga (at 'yun din talaga ang dahilan kung bakit lumobo ako nang sobra) ay nung nasa elementary ako. 'Yun 'yung panahon na taon-taon di namin nakaliligtaang pumunta sa Pangasinan - sa Manaoag (lugar ng mga Marra) man o sa Bugallon (pugad ng mga Valencerina). Isang bakasyon, pumunta kami sa Manaoag. May kamag-anak kami na mayroong maraming-maraming puno ng mangga - 'yung normal na mangga, indian mango, apple mango, etc. Pagbalik namin sa San Mateo, punong-puno ang van namin ng mga kaban ng mangga. Araw-araw, mangga ang almusal, palamis sa tanghali, meryenda, palamis sa gabi, at midnight snack namin (kahit na nagbubungang-araw ang daddy at kuya ko sa mangga). Dumating nga sa punto na kailangan na talaga naming ubusin yung natitirang tatlo o apat na kaban kasi sobrang hinog na at malapit nang mabulok. Ang ginawa ni mama, gumawa siya ng mga ice candy at ice cream (na may iba't ibang level ng consistency/creaminess).

Ang tagal ko nang hindi kumakain ng mangga. Halos nakakalimutan ko na nga ang lasa. Nangyari pa ngang isang gabi, nagising na lang ako bigla sa kalagitnaan ng pagtulog dahil sa amoy ng mangga. Biruin mo 'yun.

Gusto ko ng mangga. Magdala ka ng marami. Sabay tayong kumain.

Lunes, Mayo 10, 2010

Buhay pa ako, di ba?

So ano, sumusulat pa ba ako?

Well obviously ngayon, oo. Kahit simpleng journal entry lang o scribbles, imaginary to-do list na hindi rin nasusunod. At oo, yung 750words.com sobrang laki ng tulong sa pagbabalik ng ego ko. For a time kasi masyado akong na-attach sa sarili ko, na parang naging negation kaya ang nangyari detached talaga ako. Masyado akong naging aware at conscious sa sarili ko bilang ibang tao - sa perspektibo ng isang observer o 3rd person point of view. Nakalimutan ko na dapat nakikita ko ang sarili ko bilang ako at hindi bilang iba. Ang gulo 'no? Basta. At dahil ngayong sa tingin ko properly attached na ako sa sarili ko, bumalik na uli ang ego ko. Mahirap magsulat nang dine-degrade mo ang sarili mo. Wala ka talagang magagawa kung ganun. Kung doon mo naman hinuhugot ang will mo sa pagsusulat, well siguro kani-kaniya lang 'yan.



Kumusta ako?

Aaaaayos lang nmn. Ganito talaga ang masasagot ko sa tanong na 'yan. Ganito, ie-explicate ko:

Aaaaa - Dito ko iniisip kung ano talaga sasabihin ko. Kasi kung magbabago isip ko, magiging Uhm na lang 'to (at ang ibig sabihin nito, magkukuwento ako).

yos - Finalization. Point of no return. 'Pag sinabi kong ok lang ako, ok talaga ako. Paninindigan ko 'yan.

lang - Kasi kahit anong gawin natin, hindi tayo makukuntento. Laging kailangan may lang. Pero normal 'yun. At siguro habit na rin.

nmn. - Naman na mabilis. These days kasi kailangan kong pigilin ang sarili kong maging madaldal. Period. Ayos lang ako. Tapos. Wala akong tiwala sa bibig ko ngayon e.


Sabi ko hindi na muna ako tutula, ano 'yung pinagsusulat ko kaninang madaling-araw?

Ah, 'yun. Mga attempts 'yun p're. Pero palagay ko hindi talaga pantula yung mga freewriting na 'yun. Mailap ang poetic sense sa akin ngayon. Wala pa rin ako sa mood na maging mabulaklak, o maghanap ng pagpuputol ng mga linya o ng dahilan para hindi magputol ng mga linya, o bumuo ng mga bagong imahen, atbp. Pero sinusubok ko. Kasi gusto ko na ring tumula uli. Wala lang ako sa mood. Pero sinusubok ko nga. Ang hirap ng ginagawa ko ha. Unti-unti, bumabalik - yata. At least kanina nagkaroon ako ng impulse na magbasa ng mga tula.


Tila napapabayaan ko na itong Pagtatalop a.

Tanong ba 'yan o parinig? Oo nga, napapabayaan ko nga ito. Kaya nga gumagawa ng post ngayon e. At dahil hiatus(-kunwa) muna ako sa pagtula, pati Bugtong-Hininga napapabayaan ko na rin. Pasensya na.


Bakit nga ba ako nasa hiatus(-kunwa) sa pagtutula?

Dati, may nagsabi sa akin na ang first love ko raw ay pagtula. Ang reaksiyon ko (sa sarili ko lang), hindi, si ano e. Pero seryoso, maaaring first love ko nga ang pagtula. Pero mas nauna akong nahilig sa pagkukuwento na pabigkas. Wala 'yang direktang kinalaman sa hiatus(-kunwa) ko. Siguro back-up rationalization? Anyway, sa madaling salita, napapangitan ako sa mga tula ko. Pakiramdam ko laging may mali. Laging may off. Sa katotohanan naman, lagi namang may mali at off. At bukod pa roon, natatakot din ako sa mga nakikita ko sa mga tula ko. Kasi 'yung mga natatago kong sentiments at emo shit + first world problems nailalabas doon. 'Yung problema ko sa nonfiction, sinakop na rin ang pagtula. Hindi ko naman 'to matatakasan e, kasi kahit anong gawin ko lalabas at lalabas ako sa mga isusulat ko - kahit isang porsyento lang. Naghihintay at naghahanap lang siguro ako ng tamang panahon. Ng tamang imahen. Ng tamang linya. Ng tamang motibasyon.


Hindi ba ako nahihirapan?

Sino ba ang hindi nahihirapan? Kung meron, tara upakan natin. Tapos palanguyin natin sa dagat ng basura.


Kumusta ang pagboto ko?

Masaya. Nagkagulo ng kaunti kasi ang fail ng logistics sa presinto namin. At sana malaman ng buong kapuluan na "precinct" ang tamang spelling at hindi "precint". Sobrang bagal ng pila nung umpisa, maraming nakasingit. Mainit pa at sira ang isang fan sa loob ng classroom. Buti na lang may mga middle-aged tough guy/gals (tulad ng mama ko) na naroon para magtake-over sa pag-aasikaso ng pila. Habang naghihintay, kung anu-ano lang inisip ko. Sa sobrang vague ng kung anu-ano, may pagkakataong napahagikgik ako. Buti (o sana) walang nakapansin. 

Nagulat naman ako sa laki ng balota. Sana wala na lang secrecy folder. Na-excite din naman ako sa machine. 82nd voter ako sa presinto namin! Verified ang aking votes!



Ano man ang mangyari pagkatapos nito, tatanggapin ko nang maluwag sa aking puso. Well, maliban na lang kung mananalo si Erap, o Bro. Eddie, o si Ja-ja-ja-jamby. Kung magkaka-failure of elections, tatanggapin ko rin nang maluwag sa aking puso ang rebolusyon - pero sana hindi patterned after EDSA. Kailangan din kasi ng bansa natin ng bagong kasaysayan. Hindi na maganda ang talab ng EDSA, lumikha na ito ng tila kultong grupo ng mga mamamayan na may mga pansariling interes na rin.


Easy lang.

Sorry, mainit lang kasi e.




Miyerkules, Marso 17, 2010

Tears came (are coming) too late

Sayang, hindi ko ma-embed hehe.

At 'eto rin.

Gusto ko lang umiyak nang umiyak nang umiyak. Yun lang ata ang gustong gawin ng katawan at isip ko ngayon, ang umiyak.

Sabado, Marso 13, 2010

Ang Mukha


Sige, ngiti lang. :)



Mahilig talaga akong magkuwento. Lagi kong nakakalimutan na mahilig akong magkuwento. Pero hindi ako madaldal, makuwento lang talaga ako. May pagkakaiba ang dalawa.

Naalala ko noong bata pa ako, tuwing pupunta kaming Quezon o Manaoag at makakasama namin ang mga tito at tita ko sa side ni Daddy lagi akong may bagong kuwento. Mga alamat ng Pinya, Mangga, Kawayan, Mundo, Tao, atbp. Basta marami akong archives ng mga alamat at isang sabi lang nila automatic akong nagpla-play na parang audio book. Minsan, may mga kulang sa kuwento. Madalas may mga dagdag na. Lagi nila akong hinihingan ng kuwento, o nagpapaulit sila ng kuwento kasi gusto uli nilang marinig. Alam kong nagiging katawa-tawa na ako nun pero naintindihan kong bata pa naman ako at dapat lang katawa-tawa ako. Bunso pa ako nun. Ngayon iniisip ko kung bakit mas tinulak nila ako sa pagkukuwento ng mga modified na alamat imbes na sa pagtayo sa ibabaw ng mesa habang kumakanta ng Ako May May Lobo.

Pagdating ng huling bahagi ng elementarya, natigil sandali. Hindi muna ako gaano nagkuwento. Hindi na rin ako maituturing na bibo noon. Hindi na ako ang bunso. Sa halip, nakinig muna ako sa mga kuwento ng iba.

Nariyan ang mga biro at naratibo ni Ezra noong Grade 4 (na nito ko lang uli maiisip, hindi pala pambata). Laging wala ang guro namin noon, kaya tatayo si Ezra sa upuan niya at magkukuwento. Sa mga salaysay niya, nakilala ko si Boy Pepe at ang kaniyang pakikipagsapalaran sa mga binoculars, airplane, at gubat. Minsan sasayaw din siya sa sarili niyang kanta. Ala-performance "poetry" ang mga pagtatanghal ni Ezra, ngayong binabalikan ko ang mga ito.

Grade 4 din ako noong nasira ang tv namin. Maling timing, kasi nasa exciting na parte na noon ang Fushigi Yuugi. Pagdating sa school, ikukuwento uli ng mga kaklase ko ang napanood nilang episode. Makikinig lang ako, ginuguhit sa isip sina Nakago, Miaka, Tamahome, Hotohori, atbp.

Matapos ang pakikinig na phase, bumalik uli ako sa pagkukuwento na nadala ko hanggang high school. Hindi pa laganap ang internet noon. Wala pang bittorrent at rapidshare para sa pag-download ng mga pelikula. Hindi pa rin kalat ang mga rentals ng VCD - o kung meron man, hindi nila trip ang magrenta. Ako ang naging sagot nila sa problemang iyon. Naaalala ko pa kung paano ko kinuwento nang buo at nang detalyado sa mga kaklase ko ang Daredevil, Shutter, My Sassy Girl, Windstruck, at V for Vendetta. Sa isang pelikula, nagtatagal siguro ang pagkukuwento ng mga tatlong pagkikita. Hindi ko alam kung paano at bakit ko pa ginawa iyon, kung pinahiram ko na lang sa kanila yung VCD e di sana di pa ako namaos (madali rin kasi akong mamaos noon, sensitibo ang tonsil ko).

At ang punto? Ewan ko. Gusto ko lang din sigurong siguruduhin na sa buong buhay ko lantad na sa akin kung ano ang magiging trabaho o katuturan ko sa mundo. Nakakatawa na halos buong buhay ko, nagpumilit akong makisabay sa mga magagaling gumuhit at magpinta. (Pero sabi rin ni Hubert Fucio, hindi pa naman huli ang lahat.) Oo, so 'eto pala 'yun.

Biyernes, Marso 12, 2010

Puwedeng Maikuwento

Pagkatapos makabasa ng isang notification sa Facebook, nag-auto play itong eksena sa isip ko:


May isang gurong babae ang nagbigay ng assignment sa kaniyang mga estudyante. Sinabi niya iyong thesis statement, iyong mga inaasahan niyang mababasa niya sa final na bersiyon ng papel, mga specifications, atbp.

"Malinaw?" Parang retorikal na ang tanong niya, sapagkat nakayuko na siya at inaayos na niya ang mga gamit niya. Malapit nang tumunog ang bell, may klase pa siya sa kabilang gusali.

Pinigil niya ang sariling humikab nang may isang estudyante ang nagtaaas ng kamay at nagsalita, hindi na hinintay ang pagtawag ng guro.

"Ma'am, single spaced po o double?"

Nagpanting ang tenga ng guro sa tanong. "Single."

Pagkatapos nu'n marami pang sumunod.

"Ilang pages po?"

"2 pages ang minimum, 4 pages maximum. Pero nasa sa inyo rin 'yun, kung sosobra pa bakit hindi."

"TNR ho ba Ma'am?"

"Times New Roman o Arial, o kahit anong font basta hindi Windings. O Comic Sans."

"May deduction ba pag late?"

"Yes, mababawasan ng letter grade per day na late ang papel."

"Single spaced po?"

Kinuskos niya ang kaniyang kaliwang mata, ngunit sa maingat na paraan. Ayaw niyang mamugto ito muli. "Oo."

"Kung magsa-site po ng sources, Turabian o MLA?"

"Kung sa'n kayo komportable."

"Single-spaced?"

Sinilip niya ang oras sa kaniyang relos. Ang tagal namang mag-bell. "Oo."

"Puwede ho bang gumamit ng info from Wikipedia?"

"Hmm, kung may makikita kayo sa library mas maigi."

"Sa pigeonhole na lang ho ba ipapasa?"

"Puwede rin sa klase."

"Single?"

Putek. "Oo." Hindi niya napansing hinawakan niya ang kaniyang kaliwang kamay, sa palasingsingan. Napaatras ang kaniyang kanang kamay sa nadamang kawalan ng malamig na bakal na nakasanayan na niyang himasin kung nababagot.

"Ma'am! Anong dimensions ng short bond paper?"

Nagtawanan ang buong klase. May mga naglabas ng short bond paper upang ipakita sa estudyanteng walang kamuwang-muwang sa sukat ng short bond paper.

Sa likuran ng klase, may isang lalaki ang nagtanong sa kaniyang katabi, palibhasa hindi siya nakikinig sa diskusyon sa klase at abalang-abala siyang nakikipag-necking sa katabi niyang babae na tinatawag niyang Sweetie. Ang sabi, "Uy ano daw uli, single yung paper?"

"Oo, single siya," sagot ng katabi ng estudyanteng hindi nakikinig.

"Kanina pa kayo ha! Ano'ng problema kung single?"

Tumunog na ang bell senyales ng pagwawakas ng klase. Walang gumalaw upang umalis. Mahigpit ang hawak ng babaeng guro sa gilid ng mesa - dahil sa inis, dahil sa hiya. Tumayo siya nang tuwid at nagsabi, "Sige, tutal makulit kayo. Bahala na kayo sa itsura ng ipapasa n'yong papel." Sabay mabilis na pagkuha sa mga gamit niya sa ibabaw ng mesa at naglakad nang mabilis.


+++


Lagi na lang tayong naglalakad nang mabilis, papalayo. Hindi mo namamalayan, pare-parehong simula lang din ang dinaraanan mo.

Bakit ganun B? Konting pagpaparamdam mo lang, natutulak mo na akong magsulat. (At ni hindi nga ikaw ang nagparamdam! Pero naroon ka. Bahid. Latak.) Hindi naman sa ayoko, pero wala lang. Bakit? Lagi na lang. Dahil diyan mabuti kang kaibigan kahit na tila mga liwanag-taon ang layo natin. Mananatiling ganoon/ganito.

Buhay pa ako

Hindi lang ako makausad.

Hindi rin kasi nakakatulong na masakit ang katawan ko ngayon. Kahina-hinalang antok na antok din ako ngayon, samantalang maaga-aga naman akong natulog kagabi.

May mga bagay lang akong kailangang tapusin, at kailangang simulan. Nakakapagod din isipin. Kung puwede nga lang sana, itutulog ko na lang 'to. Oo, maaga akong uuwi ngayon at itutulog ko muna 'to. Pero sa ngayon, may mga kailangang tapusin.

Nababanas na ako, at hindi maganda yun. Kasi kapag nabanas ako, marami akong kinakalimutan. Nawawala ako sa matinong pag-iisip. Sarili ko lang ang mahalaga. Yun yung "ano'ng pakialam ko ngayon?" na attitude. Oo, delikado. Sarili ko rin naman ang madededaho kung sakali. Tulad ng attitude ko ngayon sa foreign language subject ko na Japanese. Kulang na lang maging idol ko si 1900: fuck the (insert object/concept/institution).

Isa lang siguro ito sa mga biglaang pagbabago ng mood ko (Sabay tingin sa kalendaryo. Kailan nga pala ako huling dinatnan?)

Hindi. Antok lang 'to. Gusto ko lang matulog. Yun lang.

Marami akong magagandang plano para sa bakasyon. May plano rin ako sa blog na 'to. Hindi naman habambuhay nakatago lang ito. Gawing lubos ang proyekto. Tutal yun naman talaga ang saysay nito, kung tama pa pagkakaalala ko: ang harapin ang aking takot na magsulat o maghayag ng mga totoo kong saloobin at karanasan, a.k.a. isang ehersisyo sa pagsusulat ng nonfiction (personal).

Masarap pakinggan. Sana mapangatawanan.

Sa ngayon, kanta muna tayo:

Sabado, Pebrero 20, 2010

Matapos ang lahat,

magpapatuloy muli.

Ang dami na namang mga nangyari at nangyayari, wala pang dalawang buwan ang bagong taon na 'to nahahagas na ako. May mga umagang napakapangit ng gising ko, huli ko nang nalalaman naha-harass ko na mga kasama ko sa bahay. Kahit na wala akong regla napapadalas ang mood swings at fluctuation ng emosyon ko. Nagkakasabay-sabay lang talaga lahat. Sabi nga nila, "wrong timing."

Oo, lahat wrong timing. Tulad nung oras na gustong-gusto ka nang simulan yung kuwento ko pero bigla may inutos sa akin. Bad trip 'yun. Tulad nung Jap long test ko pero sinabayan ng problema sa org kaya ayun, malamang may D na sasalubong sa akin pagkatapos ng sem na 'to. Ayoko man ng ganun, ganun talaga e. Tulad nung gusto ko pang matulog pero gigisingin nila ako. Tulad nung pag-atake ng high blood ni Lola Estela kasabay ng paglala pang lalo ng cancer ni Lolo Pilo. Tulad nung patulog na ako pero ginising pa rin ako ni Mama dahil kailangan niyang magpa-antok/magpamasahe ng ulo. Tulad nung nag-play yung paborito kong kanta sa playlist pero kailangan ko nang umalis. Tulad nung di pa nagsisimula yung program ng Matanglawin kagabi pero kinailangan ko nang umuwi. Nakakahiya talaga, parang naki-libre lang ako ng hapunan. Tulad kahapon na dinala ko pa yung Philo handouts ko pero processing session nga pala. Tulad nung mga pagkakataong wala kang pera pero saka ka pipigain para sa pera. Oo, lahat wrong timing.

Pero, kung kilala mo ako. Di ako madalas na nagrereklamo paulit-ulit. Mas gusto ko pa nga yung nanahimik lang ako. Tinatrato yung problema na para bang maliit na pigurin - naka-display, pero inaalikabok, kupas ang kulay. Nariyan pero basta naririyan. Hindi ko man dinadala yung mga pigurin, naririyan lang sila sa isang sulok ng aking isipan - ipinapaalala na naroroon sila.

Minsan nga, pag tinatanong ako, "Anong problema mo?" Ewan na lang nasasagot ko. Sa dami, kailangan pa bang isa-isahin? At kaya rin wala akong maisulat pagdating sa buhay ko: lahat ng nangyayari sa buhay ko tinuturing kong understatement. Tinatapyas ko ang pagiging romanticized ng mga pangyayari, ng mga damdamin. Madalas, sobra-sobra yung natatapyas. 'Yun yung mga panahong namamanhid na lang ako. 'Yun bang tipong, "'Yan na naman," "Ano na'ng bago diyan?"

Iniisip ko rin kasi na, baka ako lang ang nag-iisip na may problema ako. Kasi di tulad ni Manny Villar, di naman ako tunay na mahirap.

Mahilig akong magdala ng problema ng ibang tao. Dinadala ko yung mga pigurin nila, habang yung mga pigurin ko nananatiling naka-display. O baka naman di ko alam, pero dala-dala ko pala?

Hay nako.

Sulat lang.

Sulat lang.

Walang habas.

Sulat.

 
Blogger design by suckmylolly.com