Miyerkules, Oktubre 20, 2010

Sa Huling Araw ng Unang Semestre ng Aking Huling Taon sa Kolehiyo

Pinahirapan mo ako, pero ayos lang. Keri lang.

Nung simula akala ko magiging carbon copy ng nakaraang semestre (huling semestre ng ikatlong taon ko sa kolehiyo) ang semestreng ito -- gloomy, stress araw-araw, pahirapan magsulat, the-world-doesn't-care-anyway-so-why-do-I-have-to-care-at-all ang drama, at oo, yung mismong drama. Mahirap sa simula, kasi ang bigat-bigat ng pakiramdam, pero tinutulak ako ng panahon: galaw, sulong, umusad ka! Walang maghihintay para sa 'yo. Hindi ka nila hihintayin. Hindi sila lilingon para sa 'yo.

May mga kinailangan akong timbangin. May mga bagay at konsepto akong binitawan para manatiling buhay. May mga hindi rin ako binitawan (pero kaya rin nilang bumitaw, kung gugustuhin nila). Pahakbang-hakbang lang. Tigil agad kapag delikado. Tapos lakad uli. Iniwasan kong kaladkarin ang sarili ko sa mabatong buhay na ito. Lahat, tungkol sa pag-agos. Para kang naglalakad sa tubig. Damhin ang pag-agos, sundan ito.


Marami akong mga bagong naranasan ngayong semestre. May mga bagong nakilala (at nakikilala pa rin). May mga bagong pagtatanto (na technically, kaya kong mabuhay nang walang cellphone; na hindi ko kayang magsulat nang maayos kapag medyo lasing; na hindi rin palang masama na isipin muna ang sarili bago ang iba; na may mga college students na stuck pa rin sa high school phase; na kailangan ko ng distraction para makapag-focus; na puwede kong ikabuhay ang pagi-stalk sa internet; na masaya ang mundo kapag may musa; na marami pang espasyo para sa iba pang pagtatanto). Pakiramdam ko ngayong sinusulat ko ito, ang tanda-tanda ko na.

Madalas pa rin akong mahuli sa mga klase. Nag-cut pa rin naman ako sa ilang mga klase dahil tinatamad lang ako (o dahil may iba akong ginagawa na importante o hindi naman talaga importante pero trip ko lang). Hindi ko rin ginamit nang maayos ang mga breaks ko (ehemfacebooktumblrtwitterbloghoppingehem). Hindi rin ako madalas mag-recite. 'Yung unang recitation ko sa Theo, pinilit ko lang sarili ko kasi feeling ko nagpapa-impress ako haha (sana nga na-impress). May mga pagkakataong hindi ako nakapagbabasa/nagbabasa ng mga readings. Ang sabi ko sa guidance interview ko, titigilan ko na ang paghahapit (cramming), pero ang paghahapit pa rin ang naging paraan kung bakit ko nalagpasan ang semestreng ito. Ayoko na ngang tawaging paghahapit o cramming o procrastinating yun e, masyadong negative. Ewan, ngayon ko lang talaga napi-pick up kung paano talaga ako nakakapagsulat (o nakakatapos ng kahit anong gawain).

Malaking tulong din ang [Im]Personal ni Rene O. Villanueva, na binili ko dahil sale sa National Bookstore Katipunan. Sa kalagitnaan ng pagrerebisa/pagsusulat ko para sa Thesis, binasa ko ang ilang mga bahagi nito. Isa sa mga tumatak sa isipan ko ay huwag haharap sa computer (o papel) nang hindi mo alam kung ano ang isusulat mo. Marami ang tataas ang kilay sa ganitong "suhestiyon." Maging ako, parang instinct na rin bilang nagsisimulang manunulat na sabihing 'I take that as a challenge!" Tsaka tingin ko ganun talaga nagsisimula hindi ba, magtitigan muna kayo ng computer screen/papel. O di kaya, bungi-bunging konsepto pa lang ang nasa isip mo pero ang attitude "go lang, go with the flow this will take me anywhere it wants me to go." Pero iba nga rin pag alam mo na (kahit papaano, take note) kung paano magtatapos yung sinimulan mo. Para sa akin, gumagana ang estilong ito. At 'yung katotohanan na nagpapasailalim ako sa isang proseso o sistema ng pagsusulat ay isang senyales ng maturity (woot woot!) - at least pagdating sa sensibilidad ko tungkol sa pagsusulat haha.

May mga araw na dumaan lang. May mga araw na pinukpok ako sa ulo. May mga araw na binabad ako sa pulotpukyutan. May mga araw na walang iniwan sa akin. May mga araw na may ninakaw. May mga araw na suplado. May mga araw na paasa. Lagi naman e. Basta ako, nandito lang.

0 (mga) komento:

 
Blogger design by suckmylolly.com