Expert daw akong kumain ng mangga, sabi nila. Sa amin dito sa bahay, ako lang yung talagang kinakain yung mangga nang buo - hindi naman buong-buo, madalas kasi pisngi lang kinakain ng mga tao e, iniiwan nila yung buto o yung gitnang parte. Ako, sinusulit ko yung buto - lalo na kung hinog na hinog yung mangga. Sayang naman e. Tsaka nandun yung pleasure, yung full contact mo sa mangga - sa may buto, ang core. Mayroon ding iba sa pagkain ng mangga, kailangan naroon ka. 'Yung pakiramdam na hindi mo nararamdaman kung mansanas ang kinakain mo, o rambutan, o avocado, o pakwan. Mangga kasi e.
Nung nasa high school ako, may tula kaming binasa at pinag-aralan bilang introduksiyon sa tula. Hinahanap ko nga sa internet, hindi ko mahanap kasi di ko na matandaan kung ano ang pamagat at kung sino ang nagsulat. Basta kinumpara ng makata ang pagkain ng mangga sa pagbabasa ng tula. Mula sa pagbabalat, sa pagkain sa pisngi, hanggang sa pagsipsip sa mga lamang dikit sa buto, dapat dahan-dahan. Ninanamnam.
'Yung huling beses na talagang nag-indulge ako sa pagkain ng mangga (at 'yun din talaga ang dahilan kung bakit lumobo ako nang sobra) ay nung nasa elementary ako. 'Yun 'yung panahon na taon-taon di namin nakaliligtaang pumunta sa Pangasinan - sa Manaoag (lugar ng mga Marra) man o sa Bugallon (pugad ng mga Valencerina). Isang bakasyon, pumunta kami sa Manaoag. May kamag-anak kami na mayroong maraming-maraming puno ng mangga - 'yung normal na mangga, indian mango, apple mango, etc. Pagbalik namin sa San Mateo, punong-puno ang van namin ng mga kaban ng mangga. Araw-araw, mangga ang almusal, palamis sa tanghali, meryenda, palamis sa gabi, at midnight snack namin (kahit na nagbubungang-araw ang daddy at kuya ko sa mangga). Dumating nga sa punto na kailangan na talaga naming ubusin yung natitirang tatlo o apat na kaban kasi sobrang hinog na at malapit nang mabulok. Ang ginawa ni mama, gumawa siya ng mga ice candy at ice cream (na may iba't ibang level ng consistency/creaminess).
Ang tagal ko nang hindi kumakain ng mangga. Halos nakakalimutan ko na nga ang lasa. Nangyari pa ngang isang gabi, nagising na lang ako bigla sa kalagitnaan ng pagtulog dahil sa amoy ng mangga. Biruin mo 'yun.
Gusto ko ng mangga. Magdala ka ng marami. Sabay tayong kumain.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento