Biyernes, Marso 12, 2010

Puwedeng Maikuwento

Pagkatapos makabasa ng isang notification sa Facebook, nag-auto play itong eksena sa isip ko:


May isang gurong babae ang nagbigay ng assignment sa kaniyang mga estudyante. Sinabi niya iyong thesis statement, iyong mga inaasahan niyang mababasa niya sa final na bersiyon ng papel, mga specifications, atbp.

"Malinaw?" Parang retorikal na ang tanong niya, sapagkat nakayuko na siya at inaayos na niya ang mga gamit niya. Malapit nang tumunog ang bell, may klase pa siya sa kabilang gusali.

Pinigil niya ang sariling humikab nang may isang estudyante ang nagtaaas ng kamay at nagsalita, hindi na hinintay ang pagtawag ng guro.

"Ma'am, single spaced po o double?"

Nagpanting ang tenga ng guro sa tanong. "Single."

Pagkatapos nu'n marami pang sumunod.

"Ilang pages po?"

"2 pages ang minimum, 4 pages maximum. Pero nasa sa inyo rin 'yun, kung sosobra pa bakit hindi."

"TNR ho ba Ma'am?"

"Times New Roman o Arial, o kahit anong font basta hindi Windings. O Comic Sans."

"May deduction ba pag late?"

"Yes, mababawasan ng letter grade per day na late ang papel."

"Single spaced po?"

Kinuskos niya ang kaniyang kaliwang mata, ngunit sa maingat na paraan. Ayaw niyang mamugto ito muli. "Oo."

"Kung magsa-site po ng sources, Turabian o MLA?"

"Kung sa'n kayo komportable."

"Single-spaced?"

Sinilip niya ang oras sa kaniyang relos. Ang tagal namang mag-bell. "Oo."

"Puwede ho bang gumamit ng info from Wikipedia?"

"Hmm, kung may makikita kayo sa library mas maigi."

"Sa pigeonhole na lang ho ba ipapasa?"

"Puwede rin sa klase."

"Single?"

Putek. "Oo." Hindi niya napansing hinawakan niya ang kaniyang kaliwang kamay, sa palasingsingan. Napaatras ang kaniyang kanang kamay sa nadamang kawalan ng malamig na bakal na nakasanayan na niyang himasin kung nababagot.

"Ma'am! Anong dimensions ng short bond paper?"

Nagtawanan ang buong klase. May mga naglabas ng short bond paper upang ipakita sa estudyanteng walang kamuwang-muwang sa sukat ng short bond paper.

Sa likuran ng klase, may isang lalaki ang nagtanong sa kaniyang katabi, palibhasa hindi siya nakikinig sa diskusyon sa klase at abalang-abala siyang nakikipag-necking sa katabi niyang babae na tinatawag niyang Sweetie. Ang sabi, "Uy ano daw uli, single yung paper?"

"Oo, single siya," sagot ng katabi ng estudyanteng hindi nakikinig.

"Kanina pa kayo ha! Ano'ng problema kung single?"

Tumunog na ang bell senyales ng pagwawakas ng klase. Walang gumalaw upang umalis. Mahigpit ang hawak ng babaeng guro sa gilid ng mesa - dahil sa inis, dahil sa hiya. Tumayo siya nang tuwid at nagsabi, "Sige, tutal makulit kayo. Bahala na kayo sa itsura ng ipapasa n'yong papel." Sabay mabilis na pagkuha sa mga gamit niya sa ibabaw ng mesa at naglakad nang mabilis.


+++


Lagi na lang tayong naglalakad nang mabilis, papalayo. Hindi mo namamalayan, pare-parehong simula lang din ang dinaraanan mo.

Bakit ganun B? Konting pagpaparamdam mo lang, natutulak mo na akong magsulat. (At ni hindi nga ikaw ang nagparamdam! Pero naroon ka. Bahid. Latak.) Hindi naman sa ayoko, pero wala lang. Bakit? Lagi na lang. Dahil diyan mabuti kang kaibigan kahit na tila mga liwanag-taon ang layo natin. Mananatiling ganoon/ganito.

0 (mga) komento:

 
Blogger design by suckmylolly.com