Sige, ngiti lang. :)
Mahilig talaga akong magkuwento. Lagi kong nakakalimutan na mahilig akong magkuwento. Pero hindi ako madaldal, makuwento lang talaga ako. May pagkakaiba ang dalawa.
Naalala ko noong bata pa ako, tuwing pupunta kaming Quezon o Manaoag at makakasama namin ang mga tito at tita ko sa side ni Daddy lagi akong may bagong kuwento. Mga alamat ng Pinya, Mangga, Kawayan, Mundo, Tao, atbp. Basta marami akong archives ng mga alamat at isang sabi lang nila automatic akong nagpla-play na parang audio book. Minsan, may mga kulang sa kuwento. Madalas may mga dagdag na. Lagi nila akong hinihingan ng kuwento, o nagpapaulit sila ng kuwento kasi gusto uli nilang marinig. Alam kong nagiging katawa-tawa na ako nun pero naintindihan kong bata pa naman ako at dapat lang katawa-tawa ako. Bunso pa ako nun. Ngayon iniisip ko kung bakit mas tinulak nila ako sa pagkukuwento ng mga modified na alamat imbes na sa pagtayo sa ibabaw ng mesa habang kumakanta ng Ako May May Lobo.
Pagdating ng huling bahagi ng elementarya, natigil sandali. Hindi muna ako gaano nagkuwento. Hindi na rin ako maituturing na bibo noon. Hindi na ako ang bunso. Sa halip, nakinig muna ako sa mga kuwento ng iba.
Nariyan ang mga biro at naratibo ni Ezra noong Grade 4 (na nito ko lang uli maiisip, hindi pala pambata). Laging wala ang guro namin noon, kaya tatayo si Ezra sa upuan niya at magkukuwento. Sa mga salaysay niya, nakilala ko si Boy Pepe at ang kaniyang pakikipagsapalaran sa mga binoculars, airplane, at gubat. Minsan sasayaw din siya sa sarili niyang kanta. Ala-performance "poetry" ang mga pagtatanghal ni Ezra, ngayong binabalikan ko ang mga ito.
Grade 4 din ako noong nasira ang tv namin. Maling timing, kasi nasa exciting na parte na noon ang Fushigi Yuugi. Pagdating sa school, ikukuwento uli ng mga kaklase ko ang napanood nilang episode. Makikinig lang ako, ginuguhit sa isip sina Nakago, Miaka, Tamahome, Hotohori, atbp.
Matapos ang pakikinig na phase, bumalik uli ako sa pagkukuwento na nadala ko hanggang high school. Hindi pa laganap ang internet noon. Wala pang bittorrent at rapidshare para sa pag-download ng mga pelikula. Hindi pa rin kalat ang mga rentals ng VCD - o kung meron man, hindi nila trip ang magrenta. Ako ang naging sagot nila sa problemang iyon. Naaalala ko pa kung paano ko kinuwento nang buo at nang detalyado sa mga kaklase ko ang Daredevil, Shutter, My Sassy Girl, Windstruck, at V for Vendetta. Sa isang pelikula, nagtatagal siguro ang pagkukuwento ng mga tatlong pagkikita. Hindi ko alam kung paano at bakit ko pa ginawa iyon, kung pinahiram ko na lang sa kanila yung VCD e di sana di pa ako namaos (madali rin kasi akong mamaos noon, sensitibo ang tonsil ko).
At ang punto? Ewan ko. Gusto ko lang din sigurong siguruduhin na sa buong buhay ko lantad na sa akin kung ano ang magiging trabaho o katuturan ko sa mundo. Nakakatawa na halos buong buhay ko, nagpumilit akong makisabay sa mga magagaling gumuhit at magpinta. (Pero sabi rin ni Hubert Fucio, hindi pa naman huli ang lahat.) Oo, so 'eto pala 'yun.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento