Sabado, Nobyembre 7, 2009

Sembreak

Kukumustahin ko lang ang sarili ko (at isa ito sa apat kong utang sa proyektong ito, patawad).


Halos tatlong linggo na rin pala ang lumipas, at bukas na ang huling araw ng bakasyon. Hindi ko maipagyayabang na naging produktibo ang bakasyong ito, pero hindi ko rin naman masasabing wala itong kuwenta. Kahit papaano naman kasi ay hindi lang ako namalagi sa loob ng bahay at wala rin akong routine na sinunod. Lagi nga akong nagi-internet, pero nananawa na rin ako (lalo na sa Facebook matapos nilang palitan ang porma ng news feed nila). Ilang libro rin ang nabasa ko ngayon, pero alam ko marami pa rin akong hindi nababasa (kasama na iyong mga librong ipinahiram sa akin ni Mike). Lumabas-labas din naman ako ng bahay. Minsan dahil may kailangang bilhin, pero nito lang ay nakarating ako ng Quezon Ave. nang mag-isa. Lumalawak na saklaw ng mga lugar na kaya kong puntahan (pero pakonti nang pakonti ang oras na ibinibigay sa akin).

At syempre, ngayong bakasyon ay nasimulan at kasalukuyan kong ipinagpapatuloy (sa wakas!) ang Project Pagtatalop. Hindi talaga ganito yung orihinal na plano. Maaaring sa ngayon ay isa lamang itong normal na blog, para sa akin hindi. Isa itong ehersisyo para sa akin na harapin kung ano talaga ang nararamdaman ko, at iniisip ko tungkol sa mga bagay-bagay. Isa itong hamon para sa aking sarili, ang isulat kung ano talaga ang gusto kong sabihin; ang magkuwento ng mga bagay na talaga namang nangyari - nang hindi natatakot kung sakali mang may ibang makabasa nito. Pero dahan-dahan lang muna, dahan-dahan.

Kaya nga pagtatalop, kasi isa itong kilos ng paghuhubo ng aking katauhan (hindi katawan) - dahil dumarating din ang pagkakataong hindi ko na kilala (o ayoko lang harapin) ang sarili ko.

At kaya rin patatas, kasi hindi dapat sobra ang pagtatalop na gagawin. Manipis lang ang balat, sayang naman kung sasagad ang pagbabalat.

0 (mga) komento:

 
Blogger design by suckmylolly.com