(ikalawa sa apat na utang)
Dati nagsulat ako ng liham para sa iyo, pero hindi ko yun pinadala sa inyo. Nung panahong iyon, gusto ko lang kasi ng makakausap, o mabubuhusan ng sama ng loob, o sa katotohanan maaaring noong oras na iyon ay hinahanap-hanap kita. Pero napakatagal na noon, hindi ko na talaga matandaan.
Isinulat ko iyon, at inilathala sa internet sa luma kong blog. Pero may nakabasa, at gayong hindi ko sinabi ang pangalan mo ay alam niya na ikaw iyon. Hindi niya akalain na sa loob ng tatlong taon, ikaw pala yung gusto ko (tulad siguro ni Brandz, lahat sila inakala na ako yung tipo ng babae na hindi kailangan ng lalake sa buhay niya - maaaring hindi ko nga kailangan, pero ang tao ay naaakit, hindi ba?). Biruin mo, tatlong taon. Kaya nga itinuturing kita bilang ang ugat ng lahat ng aking pasakit. Siguro kung ihahalintulad sa kuwento nina Eba at Adan, ikaw ang aking Ipinagbabawal na Bunga. Nung kinain nila yung bunga, naging malay sila sa kanilang kawalan ng saplot. Ikaw naman, nung naging lubos na malay ako sa yo, naging malay ako sa lahat ng kakulangan ko - pasakit yun para sa kin dahil noon kontento ako sa kung sino at ano ako. Ang problema, hanggang ngayon may bahagi pa sa sarili kong hindi ka mabitaw-bitawan. O ayoko talaga kitang bitawan kahit na hindi naman talaga kita hawak - ni hindi man lang kita maramdaman.
Binura ko iyong liham na yun. Kasi natakot ako na baka malaman ng iba. Oo, hindi ako natakot na baka malaman mo, kasi alam kong alam mo - baka lang, basta.
At ayokong bitawan ka, maski yung ideya mo lang. Kasi mas gugustuhin kong iyon ang panghawakan ko, kaysa kung ano meron ako sa harapan ko - mas malaki at mas mabigat na pasakit. Para na rin akong umiibig sa wala, kasi yung ikaw na gusto ko, hindi na ikaw ngayon e. Yung ikaw noon, wala na.
Marami sigurong magsasabi na sinasaktan ko lang ang sarili ko sa ginagawa ko (o sinusubok na gawin), at isa itong pagtalikod sa hamon ko sa aking sarili - sa pagharap sa kung ano ang totoo tungkol sa aking sarili. Pero ito ang totoo. Sa parehong daan, masasaktan lang ako. At pinipili ko itong paraang ito ng pagpapasakit.
Pero titingnan ko pa. Malupit ang katotohanan e. Malas mo lang kasi sa iyo ako unang nakaramdam ng ganitong uri ng sakit.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento