Gigising ako ng alas-kuwatro ng umaga. Didiretso sa kusina, magsasaing. At habang iniini ang kanin maghuhugas ako ng mga pinggan. Pagkatapos kong punasan ang mesa, eksaktong luto na ang kanin. Papatayin ko ang kalan.
Magbubukod ako ng mga maruruming damit ko - puti, de-kulay, shorts, underwear, maong...Isasalang ko sa washing machine yung mga puti sa loob ng labinlimang minuto. Ibababad ko naman sa bukod na palanggana yung mga underwear. Hahayaan ko muna ang mga damit, sa gabi na lang ipagpapatuloy ang paglalaba. Habang umiikot ang washing machine, magwawalis ako sa loob ng bahay.
Pagdating ng ala-singko ng umaga, magpapainit na ako ng tubig pangkape ni lolo. Malapit na siguro siyang magising. Kung walang pagkain, lalabas muna ako upang bumili ng mainit na pandesal. Pagbalik ko ihahanda ko ang agahan ni lolo sa tabi ng kama niya, saka ako pupunta sa banyo para maligo.
Pagkaligo, magbibihis ako sa kuwarto ko. Mag-aayos nang konti. Ido-double check ang mga dadalhing gamit.
Bababa ako at maaabutan kong gising na si Lolo. Hi Lolo. Magnanakaw pa ako ng tingin sa salamin upang masiguradong maayos ang aking itsura. Walang pinagbago, maliban na lang sa lalong umitim at lumalim na mga bilog sa ilalim ng aking mga mata. Ok lang, ok lang.
Ala-sais na. Magmamano ako kay Lolo. Aalis na po ako. Ingat ka. Iingatan kong wag masyadong gumawa ng ingay ang kandado at kadenang nasa gate habang inaalis ko ang lock, tulog pa sina Mama at Daddy, at sina Panganay at Bunso.
Wala pa akong isang milya mula sa bahay at bubuksan ko ang aking bag, sinisigurado na dala ko lahat ng aking kailangan. Nang makitang naroon nga ang isang bolpen, isasara ko ang bag at magpapatuloy sa aking paglalakad.
Ngayon, saan ako dadalhin ng aking panulat?
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento