Napakaraming gagawin.
Birthday ng lolo ko bukas, magkakaroon kami ng konting handa pero wala si mama para mag-asikaso sa bahay. Darating si tito Ped, baka rin dumating si tito Bot. May iba pang kamag-anak ang darating, at ako lang ang mag-aasikaso sa bahay. Daraan dito si tita Emily para tulungan akong maghanda at magluto. Mag-aayos din ng bahay (at sa bahay na ito, lagi kong tinatanong sa sarili ko kung nasaan pa ang pangangailangang ayusin ito sapagkat kahit anong ayos ang gawin dito, hindi talaga ito magiging maayos kahit sa paningin man lang - maliban na lang kung magtatapon ng napakaraming bagay at gigiba ng ilang pader).
Hindi naman sa ayoko, pero hindi lang talaga ako palagay sa mga bisita. Siguro kung talagang malapit sa akin at ginusto ko na dumating siya e di ayos. Pero yun bang biglaang darating, o kung planado naman e di ako palagay sa presensiya niya. May mga taong ganun. Maski nga nung dumalaw si B noon (dalawang taon na ang nakararaan - at mula noon wala na), nabalisa ako. Paano naman kasi wala siyang pasabi at hindi pa ako naliligo nung dumating siya. Hindi lang talaga ako sanay nang may bisita. At kadalasan sa mga pagkakataong may mga darating na hindi ko kilala pero kilala nila ako, nasa kusina lang ako at nag-aayos ng kung ano man ang maaayos. Pero iba bukas, kasi wala si mama para mag-entertain at kumausap sa mga bisita (at sana nga dumating sina tito Ped at tito Bot para sila kumausap sa mga bisita).
Nasa ospital pa rin sina mama at daddy, sa Lunes pa raw ang uwi nila. Eksakto lang kasi pasukan na uli. Pareho silang may sakit. Unti-unti nang bumabaligtad ang sitwasyon, sila na ang aasa sa amin.
Hindi ko na alam kung ano pa ang mangyayari.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento