Linggo, Nobyembre 29, 2009

Progress Report

Kahit na may mga bagay na hindi na ako natatakot isulat, o kahit papaano naisusulat ko na, meron pa ring mga bagay na naisusulat ko man ay mali naman ang kinalalabasan, maling-mali. Iyon yung mga bagay na matagal ko nang isinumpa na hindi ko isusulat kahit kailan. Pero ganoon talaga e, walang takas.


Gayunpaman, gusto ko kung saan ako dinadala ngayon ng panahon. Maaaring nagiging masyado akong seryoso, ngunit ganito naman talaga ako. Hangga't maaari, lahat ng ikinikilos ko may dahilan o may katuturan. Hindi yung "talagang" wala lang.

Sabi nga ni Tom sa 500 Days of Summer,matapos malaman na may ibang karelasyon si Summer habang "sila" pa:

So you just do what you want?

Ito po ang dahilan kung bakit ako napapa-"Tang-ina mo, Summer. At sa lahat ng tulad mo sa mundo."

Biyernes, Nobyembre 20, 2009

Lihim na Liham 2

Kumusta B?


Naalala mo pa kaya yung pag-uusap natin tungkol sa hinaharap - sa college, sa mga magiging trabaho natin? Dumating tayo sa punto na sumuko tayo, at sinabing ang pagdi-DJ ang pinakamadaling trabaho sa buong mundo. Hindi na natin kailangan ng entrance exam sa anumang college o unibersidad, konting kuskos-kuskos lang, madali nang makahanap ng mga makina, at marami namang party people sa mundo.

Kakapanood ko lang sa tv na may academy na para sa mga DJ. Lalo nilang pinakokomplika ang buhay.

Haha, kumusta naman yun DJ B?

Pero buti na lang at nariyan ka at binabantayan ni Maria Makiling. Yun nga lang, nariyan ka. Maski naman narito ka, nariyan ka pa rin. Masyado na tayong malayo sa isa't isa, at ayos lang yun. Maigi lang.




Sabado, Nobyembre 7, 2009

Isang Liham (Lihim)

(ikalawa sa apat na utang)


Dear B,

Dati nagsulat ako ng liham para sa iyo, pero hindi ko yun pinadala sa inyo. Nung panahong iyon, gusto ko lang kasi ng makakausap, o mabubuhusan ng sama ng loob, o sa katotohanan maaaring noong oras na iyon ay hinahanap-hanap kita. Pero napakatagal na noon, hindi ko na talaga matandaan.

Isinulat ko iyon, at inilathala sa internet sa luma kong blog. Pero may nakabasa, at gayong hindi ko sinabi ang pangalan mo ay alam niya na ikaw iyon. Hindi niya akalain na sa loob ng tatlong taon, ikaw pala yung gusto ko (tulad siguro ni Brandz, lahat sila inakala na ako yung tipo ng babae na hindi kailangan ng lalake sa buhay niya - maaaring hindi ko nga kailangan, pero ang tao ay naaakit, hindi ba?). Biruin mo, tatlong taon. Kaya nga itinuturing kita bilang ang ugat ng lahat ng aking pasakit. Siguro kung ihahalintulad sa kuwento nina Eba at Adan, ikaw ang aking Ipinagbabawal na Bunga. Nung kinain nila yung bunga, naging malay sila sa kanilang kawalan ng saplot. Ikaw naman, nung naging lubos na malay ako sa yo, naging malay ako sa lahat ng kakulangan ko - pasakit yun para sa kin dahil noon kontento ako sa kung sino at ano ako. Ang problema, hanggang ngayon may bahagi pa sa sarili kong hindi ka mabitaw-bitawan. O ayoko talaga kitang bitawan kahit na hindi naman talaga kita hawak - ni hindi man lang kita maramdaman.

Binura ko iyong liham na yun. Kasi natakot ako na baka malaman ng iba. Oo, hindi ako natakot na baka malaman mo, kasi alam kong alam mo - baka lang, basta.

At ayokong bitawan ka, maski yung ideya mo lang. Kasi mas gugustuhin kong iyon ang panghawakan ko, kaysa kung ano meron ako sa harapan ko - mas malaki at mas mabigat na pasakit. Para na rin akong umiibig sa wala, kasi yung ikaw na gusto ko, hindi na ikaw ngayon e. Yung ikaw noon, wala na.

Marami sigurong magsasabi na sinasaktan ko lang ang sarili ko sa ginagawa ko (o sinusubok na gawin), at isa itong pagtalikod sa hamon ko sa aking sarili - sa pagharap sa kung ano ang totoo tungkol sa aking sarili. Pero ito ang totoo. Sa parehong daan, masasaktan lang ako. At pinipili ko itong paraang ito ng pagpapasakit.

Pero titingnan ko pa. Malupit ang katotohanan e. Malas mo lang kasi sa iyo ako unang nakaramdam ng ganitong uri ng sakit.



Sembreak

Kukumustahin ko lang ang sarili ko (at isa ito sa apat kong utang sa proyektong ito, patawad).


Halos tatlong linggo na rin pala ang lumipas, at bukas na ang huling araw ng bakasyon. Hindi ko maipagyayabang na naging produktibo ang bakasyong ito, pero hindi ko rin naman masasabing wala itong kuwenta. Kahit papaano naman kasi ay hindi lang ako namalagi sa loob ng bahay at wala rin akong routine na sinunod. Lagi nga akong nagi-internet, pero nananawa na rin ako (lalo na sa Facebook matapos nilang palitan ang porma ng news feed nila). Ilang libro rin ang nabasa ko ngayon, pero alam ko marami pa rin akong hindi nababasa (kasama na iyong mga librong ipinahiram sa akin ni Mike). Lumabas-labas din naman ako ng bahay. Minsan dahil may kailangang bilhin, pero nito lang ay nakarating ako ng Quezon Ave. nang mag-isa. Lumalawak na saklaw ng mga lugar na kaya kong puntahan (pero pakonti nang pakonti ang oras na ibinibigay sa akin).

At syempre, ngayong bakasyon ay nasimulan at kasalukuyan kong ipinagpapatuloy (sa wakas!) ang Project Pagtatalop. Hindi talaga ganito yung orihinal na plano. Maaaring sa ngayon ay isa lamang itong normal na blog, para sa akin hindi. Isa itong ehersisyo para sa akin na harapin kung ano talaga ang nararamdaman ko, at iniisip ko tungkol sa mga bagay-bagay. Isa itong hamon para sa aking sarili, ang isulat kung ano talaga ang gusto kong sabihin; ang magkuwento ng mga bagay na talaga namang nangyari - nang hindi natatakot kung sakali mang may ibang makabasa nito. Pero dahan-dahan lang muna, dahan-dahan.

Kaya nga pagtatalop, kasi isa itong kilos ng paghuhubo ng aking katauhan (hindi katawan) - dahil dumarating din ang pagkakataong hindi ko na kilala (o ayoko lang harapin) ang sarili ko.

At kaya rin patatas, kasi hindi dapat sobra ang pagtatalop na gagawin. Manipis lang ang balat, sayang naman kung sasagad ang pagbabalat.

Sa Bahay

Napakaraming gagawin.


Birthday ng lolo ko bukas, magkakaroon kami ng konting handa pero wala si mama para mag-asikaso sa bahay. Darating si tito Ped, baka rin dumating si tito Bot. May iba pang kamag-anak ang darating, at ako lang ang mag-aasikaso sa bahay. Daraan dito si tita Emily para tulungan akong maghanda at magluto. Mag-aayos din ng bahay (at sa bahay na ito, lagi kong tinatanong sa sarili ko kung nasaan pa ang pangangailangang ayusin ito sapagkat kahit anong ayos ang gawin dito, hindi talaga ito magiging maayos kahit sa paningin man lang - maliban na lang kung magtatapon ng napakaraming bagay at gigiba ng ilang pader).

Hindi naman sa ayoko, pero hindi lang talaga ako palagay sa mga bisita. Siguro kung talagang malapit sa akin at ginusto ko na dumating siya e di ayos. Pero yun bang biglaang darating, o kung planado naman e di ako palagay sa presensiya niya. May mga taong ganun. Maski nga nung dumalaw si B noon (dalawang taon na ang nakararaan - at mula noon wala na), nabalisa ako. Paano naman kasi wala siyang pasabi at hindi pa ako naliligo nung dumating siya. Hindi lang talaga ako sanay nang may bisita. At kadalasan sa mga pagkakataong may mga darating na hindi ko kilala pero kilala nila ako, nasa kusina lang ako at nag-aayos ng kung ano man ang maaayos. Pero iba bukas, kasi wala si mama para mag-entertain at kumausap sa mga bisita (at sana nga dumating sina tito Ped at tito Bot para sila kumausap sa mga bisita).

Nasa ospital pa rin sina mama at daddy, sa Lunes pa raw ang uwi nila. Eksakto lang kasi pasukan na uli. Pareho silang may sakit. Unti-unti nang bumabaligtad ang sitwasyon, sila na ang aasa sa amin.

Hindi ko na alam kung ano pa ang mangyayari.


Martes, Nobyembre 3, 2009

Bukas

Maraming dapat gawin.

Lunes, Nobyembre 2, 2009

Dalawang Taon Magmula Ngayon

Gigising ako ng alas-kuwatro ng umaga. Didiretso sa kusina, magsasaing. At habang iniini ang kanin maghuhugas ako ng mga pinggan. Pagkatapos kong punasan ang mesa, eksaktong luto na ang kanin. Papatayin ko ang kalan.


Magbubukod ako ng mga maruruming damit ko - puti, de-kulay, shorts, underwear, maong...Isasalang ko sa washing machine yung mga puti sa loob ng labinlimang minuto. Ibababad ko naman sa bukod na palanggana yung mga underwear. Hahayaan ko muna ang mga damit, sa gabi na lang ipagpapatuloy ang paglalaba. Habang umiikot ang washing machine, magwawalis ako sa loob ng bahay.

Pagdating ng ala-singko ng umaga, magpapainit na ako ng tubig pangkape ni lolo. Malapit na siguro siyang magising. Kung walang pagkain, lalabas muna ako upang bumili ng mainit na pandesal. Pagbalik ko ihahanda ko ang agahan ni lolo sa tabi ng kama niya, saka ako pupunta sa banyo para maligo.

Pagkaligo, magbibihis ako sa kuwarto ko. Mag-aayos nang konti. Ido-double check ang mga dadalhing gamit.

Bababa ako at maaabutan kong gising na si Lolo. Hi Lolo. Magnanakaw pa ako ng tingin sa salamin upang masiguradong maayos ang aking itsura. Walang pinagbago, maliban na lang sa lalong umitim at lumalim na mga bilog sa ilalim ng aking mga mata. Ok lang, ok lang.

Ala-sais na. Magmamano ako kay Lolo. Aalis na po ako. Ingat ka. Iingatan kong wag masyadong gumawa ng ingay ang kandado at kadenang nasa gate habang inaalis ko ang lock, tulog pa sina Mama at Daddy, at sina Panganay at Bunso.

Wala pa akong isang milya mula sa bahay at bubuksan ko ang aking bag, sinisigurado na dala ko lahat ng aking kailangan. Nang makitang naroon nga ang isang bolpen, isasara ko ang bag at magpapatuloy sa aking paglalakad.

Ngayon, saan ako dadalhin ng aking panulat?



Linggo, Nobyembre 1, 2009

Dugo

Bumisita ngayon sa bahay ang pinsan ng mama ko, si Tito Louie (hindi ko talaga alam, baka hindi siya si Louie at baka siya yung kakambal niya). Matangkad, guwapo, at maingat ang pagkalalim ng boses, lagi akong nagiging conscious pag nakikita ko siya. Ngayon ko lang naisip, na sana purong dugo na lang ng pamilya ni mama ang napunta sa aming magkakapatid.


Sa pamilya nina mama, kitang-kita pa rin ang bakas ng dugong Espanyol. Makinis at maputi ang balat, matangos ang ilong, mapupungay ang mga mata, at matangkad. Dahil din sa lola ko, meron din silang halo ng dugong-Intsik (sa itsura lamang, hindi ako sigurado sa kapuruhan ng dugo). Samantalang sa pamilya nina daddy, walang bahid ng anumang banyaga ang makikita sa kanila. Pango ang ilong, kayumanggi ang kulay ng balat, Pilipinong-Pilipino (plus points na lang para sa mata ng daddy ko na kulay kapeng nilagyan ng creamer).

Malas ko na nga lang at mali ata ang kombinasyon na ako ang kinalabasan. Nasa akin ang matapang na kapeng mata, ngunit mapungay pa rin naman. Maliit ang aking noo. Ngunit pango naman at makapal pa ang labi. Makinis at maputi ang aking balat, pero naging kayumanggi na rin dahil sa kawalan ng alaga mula sa akin. Balbon at mabuto na parang sa lalake ang aking katawan. Katamtaman lamang ang tangkad ko. (At syempre hindi ko naman isinisisi sa dugo ang aking lapad - gayong may mga pag-aaral na ikinakabit ang obesity sa genes.)

Inisip ko lang, na sana maganda ako. Hindi ko alam kung gaano kaayos ang gene pool nina mama at daddy, pero sana nagkaroon ng paraan na hindi ganito ang kinalabasan ko. Lalo na sa mga sakit na kaakibat sa parehong dugo nila - diabetes, cancer, high blood, sakit sa puso, etc. - dapat lamang na may 'compensation.' E paano na yan ngayon, hindi na nga ako maganda, sigurado pa na balang-araw, kung hindi ako magkaka-diabetes, may high blood, sakit sa puso, o cancer naman ako.

Para naman sa tuwing titingin ako sa salamin, hindi lang puro kabiguan at pasakit ang maaalala ko.

 
Blogger design by suckmylolly.com