So ano na ba?
Ang tanga-tanga ko para mag-volunteer bilang leader ng class paper namin sa PolSci. Tamang tanga lang. Tapos 'eto akong natatanga na lang din dahil sa sarili kong katangahan.
Tatlo pa lang sa mahigit sampu kong kagrupo (na gagawa ng papel) ang kumakausap sa akin (o at least, kinausap ako). O mahabaging langit, bakit sa ganitong paraan n'yo pa ako pinarurusahan? Mas maigi pang madapa uli ako sa sidewalk sa Katipunan (fun experience pa 'yun).
Hindi ko alam kung bakit ko naisipang maglathala ngayon dito. Siguro kasi naglipana uli ang mga bagong gawang blog ng mga kaibigan ko. Naaawa ako dito sa nakabinbin kong blog/project. (Gagi sorry talaga napabayaan kita. Pakiramdam ko may iba na ako ngayon, pero...ewan.)
At bakit sa lahat ng bagay na kailangan pang isulat dito, ay ang akin pang katangahan. Di man lang isang maikling pagninilay tungkol sa mga naganap sa akin ngayong araw na ito (na tila ba isang roller coaster ride: masaya - boring - masaya - sobrang saya - erm - ok lang - heavy - masaya - tae moment - k lang - kilig to the max - k lang, at magpasawalanghanggan). O tungkol sa itim na pusa na bumibisita sa amin gabi-gabi, na kagabi pa'y nakitulog sa kama ko. O isang matinding paglalarawan ng pakiramdam na kulang sa tulog ngunit hindi inaantok at pinag-iisipan pa kung iinom uli ng kape para magpuyat uli para naman may magawa ako para sa aking mga klase at napakarami pang iba. Puwede rin siguro akong gumawa na napakahabang entry na pupunuin ko ng pagpupuri sa bago kong planner dahil naman karapatdapat lamang -- kung mayroon akong oras, ngunit dahil wala, isisiksik ko sa isang salita ang aking blog entry tungkol sa aking planner: sublime! At ang araw na ito: surreal!
Manigong bagong taon at mahal ko kayong lahat. 'Yun na lang muna.
Miyerkules, Enero 5, 2011
Matagal-tagal na rin
Ipinaskil ni rachel sa 11:59 PM 0 (mga) komento
Biyernes, Nobyembre 5, 2010
San Mateo. Nobyembre 4, 2010
Mga Tauhan
Frexy - 4th year student na kumukuha ng Architecture sa UST. May isang taon pa siya bago magtapos.
Ako - graduating na estudyante sa Ateneo, kumukuha ng kursong Creative Writing.
Sa McDo, habang kumakain ng Twister Fries.
1
Ako: Magkano ba usually kapag magpapagawa ng bahay sa architect.
Frexy: Depende. Ano bang gusto mo?
Ako: Gusto ko spacious. Simple lang, pero spacious.
Frexy: Pag ganun maghahanda ka ng mga 10-15 Million.
Ako: Ganun? Ang mahal naman...
Frexy: Mga 20 siguro pag kasama na yung interior ng bahay.
Ako: Grabe.
Frexy: Pero depende rin sa architect, kapag bago madalas mas mura--
Ako: *wide grin*
Frexy: AY
Ako: ALAM NA :D
2
Ako: Gusto kong magpatayo ng bahay, after college. Yun ang magiging priority ko.
Frexy: Tama yan.
Ako: Kaya lang ang hirap, ang mahal pala.
Frexy: Madali lang 'yan basta i-prioritize mo. Tutal wala ka pa namang boyfriend.
Ako. Yun yun e. YUN YUN E.
3
Ako: Gusto ko nang makaranas ng relationship, para lang maramdaman ko na may magkakagusto rin sa kin.
Frexy: Meron 'yan. Sa work.
Ako: Waaaaaaaah.
Frexy: :))
Ako:...pero natatakot din ako.
Ipinaskil ni rachel sa 10:08 PM 2 (mga) komento
San Mateo. Nobyembre 4, 2010
Nasa Nangka na ako nang magtext sa akin si Frexy, nag-aya siyang lumabas at tumambay. Pauwi na ako galing sa Ateneo, at wala naman talaga akong gagawin sa bahay na urgent kaya inaya ko siya sa McDo San Mateo. So sinundo muna ako ni Frexy sa bahay. Tapos naglakad kami papuntang McDo. Nilibre niya ako ng Float. Dumaan kami sa RCSM. Sarado na yung campus at si Manong Guard na hindi namin kilala ang nandun. Sa harap ng gate na grills, tumayo lang kami dun ni Frexy. Nag-usap lang kami.
"Wala na bang tao?" tanong ko.
"Anong oras ba labas nila?"
"Dati kasi, 6:30 yung sa 'tin. Ay, 6:10 pala."
Nilapitan kami ni Manong Guard.
Si Frexy ang nakipag-usap sa kanya. "Puwede ho ba kaming pumasok?"
"Alumnus ho ba kayo?"
"Opo."
"Bawal e."
"Ay, ganun po ba. Dito lang po kami."
At habang nandun lang kami, nakatayo sa gate ng RCSM, may sinabi si Manong Guard.
"Mapapagod din kayo."
Ang lalim naman ni Manong Guard, naisip ko. Naghintay pa ako ng mas lalalim pang susunod na banat. Na mapapagod din kaming maging nostalgic, o tumingin sa nakaraan, kasi walang sense. Sayang lang ang oras. Ganun ba, Manong Guard? Ganun ba? Hinintay kong sabihin niyang tama ako, nang tanungin siya ni Frexy kung anong ibig sabihin niya sa sinabi niyang iyon.
"Ang sabi ko, mapapagod din kayo d'yan. Mangagawit kayo sa pagtayo."
'Nga naman, Manong Guard. Kaya nga bumalik uli kami sa McDo ni Frexy.
Ipinaskil ni rachel sa 12:51 AM 0 (mga) komento
Miyerkules, Oktubre 27, 2010
Huling Sembreak Ba 'Kamo?
Oo. Pero hindi ako nakasama sa trip ng mga kaibigan ko sa Tagaytay (na pinlano pa noong simula pa lang ng semestre, sa Kenny Roger's Katipunan). Pero ni hindi ako nag-swimming sa private swimming pool (and cottage?) sa Pansol, Laguna na treat ng daddy ko at ng mga high school friends niya. Ni hindi rin ako nagbabasa ng mga nakatambak kong mga libro sa kuwarto ko (o sa loob ng Reading Materials folder ng laptop ko). Ni hindi nga ako makahabol ng tulog.
May trabaho uli ako, tulad nung bakasyon. Pero gusto ko rin ito. Syempre naman, sa tatlong sembreak na dinaanan ko, mas mabuti nang may ginagawa akong trabaho para sa iba kaysa magpa-amag sa loob ng bahay. Tsaka bukod sa utang na loob, kailangan ko rin ito. Hindi talaga nakakapagod yung trabaho. Hindi rin naman kasi ako pinababayaan sa opisina. Laging ngang busog e. Ang nakakapagod ay iyong ultimong paggising sa umaga (dahil gabi-gabi, ako lagi ang naaatasang magpuyat para may tatao sa bahay), iyong pagbiyahe (lalo na nitong hapon, kasi umulan nang pagkalakas-lakas ewan kung bakit biglang nagbara ang mga sasakyan sa daan papuntang Marquinton/Blue Wave Marikina galing Marcos Highway), at iyong pagpupuyat.
Nakapag-enlist ako nang maayos (at nakatanggap pa ng marami pang biyaya!). Tulad nitong nakaraang semestre, wala na naman akong ideya tungkol sa mga prof ko. Kalagitnaan ng sem nang malaman kong naging prof ng kuya ko si Sir Mariano sa Philo 103. At tapos na ang sem nang malaman kong naging prof din niya si Sir Ruben sa Theo 151. Bukod sa "bahala na," kakayanin 'yan.
Marami akong mga bagay na nalaman tungkol sa sarili ko nitong dumaang sem: Hindi ako laging mabait. Mas nasasakyan ko talaga ang cramming para sa maraming bagay. Mas may nagagawa ako kapag chillax ('yun bang naghahapit ako ng paper one hour bago ang deadline pero hindi ako nagmamadali). Kailangan ko ng oras para sa sarili ko. Kuripot ako (o well, hindi ako mayaman). Isa akong disappointment ng mundo. Makasarili ako. Sobrang intimate akong tao pero dahil sa sobrang intimacy kinukulob ko na lang. Takot ako sa pagmamahal. Hindi talaga para sa akin ang pagmamakata. Hindi ako ipinanganak na makata. Hindi napipilit ang panunula. Hindi mo rin mapipilit ang kahit anong uri ng pagsusulat, lalo na't hindi ito tugon sa isang pangangati (pangangailangan) na isulat kung ano man ang nais isulat ng sarili. Suwertehan ang pagsusulat. Hindi ako makata.
Sabi nga nila, "that's how I roll, bitches."
Ipinaskil ni rachel sa 11:47 PM 0 (mga) komento
Miyerkules, Oktubre 20, 2010
Sa Huling Araw ng Unang Semestre ng Aking Huling Taon sa Kolehiyo
Pinahirapan mo ako, pero ayos lang. Keri lang.
Nung simula akala ko magiging carbon copy ng nakaraang semestre (huling semestre ng ikatlong taon ko sa kolehiyo) ang semestreng ito -- gloomy, stress araw-araw, pahirapan magsulat, the-world-doesn't-care-anyway-so-why-do-I-have-to-care-at-all ang drama, at oo, yung mismong drama. Mahirap sa simula, kasi ang bigat-bigat ng pakiramdam, pero tinutulak ako ng panahon: galaw, sulong, umusad ka! Walang maghihintay para sa 'yo. Hindi ka nila hihintayin. Hindi sila lilingon para sa 'yo.
May mga kinailangan akong timbangin. May mga bagay at konsepto akong binitawan para manatiling buhay. May mga hindi rin ako binitawan (pero kaya rin nilang bumitaw, kung gugustuhin nila). Pahakbang-hakbang lang. Tigil agad kapag delikado. Tapos lakad uli. Iniwasan kong kaladkarin ang sarili ko sa mabatong buhay na ito. Lahat, tungkol sa pag-agos. Para kang naglalakad sa tubig. Damhin ang pag-agos, sundan ito.
Marami akong mga bagong naranasan ngayong semestre. May mga bagong nakilala (at nakikilala pa rin). May mga bagong pagtatanto (na technically, kaya kong mabuhay nang walang cellphone; na hindi ko kayang magsulat nang maayos kapag medyo lasing; na hindi rin palang masama na isipin muna ang sarili bago ang iba; na may mga college students na stuck pa rin sa high school phase; na kailangan ko ng distraction para makapag-focus; na puwede kong ikabuhay ang pagi-stalk sa internet; na masaya ang mundo kapag may musa; na marami pang espasyo para sa iba pang pagtatanto). Pakiramdam ko ngayong sinusulat ko ito, ang tanda-tanda ko na.
Madalas pa rin akong mahuli sa mga klase. Nag-cut pa rin naman ako sa ilang mga klase dahil tinatamad lang ako (o dahil may iba akong ginagawa na importante o hindi naman talaga importante pero trip ko lang). Hindi ko rin ginamit nang maayos ang mga breaks ko (ehemfacebooktumblrtwitterbloghoppingehem). Hindi rin ako madalas mag-recite. 'Yung unang recitation ko sa Theo, pinilit ko lang sarili ko kasi feeling ko nagpapa-impress ako haha (sana nga na-impress). May mga pagkakataong hindi ako nakapagbabasa/nagbabasa ng mga readings. Ang sabi ko sa guidance interview ko, titigilan ko na ang paghahapit (cramming), pero ang paghahapit pa rin ang naging paraan kung bakit ko nalagpasan ang semestreng ito. Ayoko na ngang tawaging paghahapit o cramming o procrastinating yun e, masyadong negative. Ewan, ngayon ko lang talaga napi-pick up kung paano talaga ako nakakapagsulat (o nakakatapos ng kahit anong gawain).
Malaking tulong din ang [Im]Personal ni Rene O. Villanueva, na binili ko dahil sale sa National Bookstore Katipunan. Sa kalagitnaan ng pagrerebisa/pagsusulat ko para sa Thesis, binasa ko ang ilang mga bahagi nito. Isa sa mga tumatak sa isipan ko ay huwag haharap sa computer (o papel) nang hindi mo alam kung ano ang isusulat mo. Marami ang tataas ang kilay sa ganitong "suhestiyon." Maging ako, parang instinct na rin bilang nagsisimulang manunulat na sabihing 'I take that as a challenge!" Tsaka tingin ko ganun talaga nagsisimula hindi ba, magtitigan muna kayo ng computer screen/papel. O di kaya, bungi-bunging konsepto pa lang ang nasa isip mo pero ang attitude "go lang, go with the flow this will take me anywhere it wants me to go." Pero iba nga rin pag alam mo na (kahit papaano, take note) kung paano magtatapos yung sinimulan mo. Para sa akin, gumagana ang estilong ito. At 'yung katotohanan na nagpapasailalim ako sa isang proseso o sistema ng pagsusulat ay isang senyales ng maturity (woot woot!) - at least pagdating sa sensibilidad ko tungkol sa pagsusulat haha.
May mga araw na dumaan lang. May mga araw na pinukpok ako sa ulo. May mga araw na binabad ako sa pulotpukyutan. May mga araw na walang iniwan sa akin. May mga araw na may ninakaw. May mga araw na suplado. May mga araw na paasa. Lagi naman e. Basta ako, nandito lang.
Ipinaskil ni rachel sa 9:55 PM 0 (mga) komento
Linggo, Setyembre 12, 2010
Meiosis
Kaya siguro maraming manunulat ang marunong magsigarilyo, dahil sa pakiramdam na ito:
Yun bang di ka mapakali, may nais kang isulat pero gusto mo ring mag-jumping jacks at mag-jogging. May naiisip kang konsepto pero kumakawala, kaya gusto mo na ring magwala. Kung pwede lang sanang ikadena mo ang sarili mo sa upuan. Pero alam mong mababaliw ka. Mababaliw at mababaliw ka.
Ipinaskil ni rachel sa 10:27 PM 1 (mga) komento
Biyernes, Setyembre 10, 2010
Paglalakad:
Mas gusto kong maglakad, kaysa mag-tricycle o pedikab. Siguro epekto rin ito ng mga kung anu-anong nangyayaring nakawan o krimen na may kinalaman sa pagsakay sa tricycle, pedikab, at pati na rin sa taxi. Dahil sa talamak na krimeng nangyayari sa paligid, hindi maiiwasang mawalan ako ng tiwala sa ibang tao - tulad nung naramdaman kong pagkahungkag nung ninakaw yung cellphone ko. Siguro yun yung isang saglit sa buhay ko na muntik nang mawala ang tiwala ko sa buong lipunan. Dahil para sa akin, anon ang nangnakaw ng phone ko, na maaaring siya, ikaw, kung sino man, at nirerepresenta niya ang mga nilalang na maliban sa aking sarili. Alam mo yun, yung bang ikinilos mong pagsakay sa jeep, simple lang yun at tila ba napakakaraniwang gawain pero sa aktong iyon ipinagkakatiwala mo ang buhay mo sa driver at konduktor, nagtitiwala ka sa katabi mo na hindi ka hihipuan o nanakawan. Sila, hawak nila ang buhay mo - responsibilidad ka nila (at sana alam nila yun no) tulad ng pagiging iba mo para sa kanilang perspektibo.
Sa pagpili ng paglalakad imbes na pagsakay sa kung ano mang uri ng transportasyon, nararamdaman kong mas ligtas ako. Hindi naman sa mas konti ang porsyento para sa aksidente o kung ano man kung maglalakad lang ako (para ngang mas malaki pa e). Meron lang iba, na hindi ako gaano mag-aalala tungkol sa iba kung wala man silang pakialam sa kaligtasan ko.
At syempre, gusto ko lang naman talagang maglakad. Kunwari, nasa pinakadulo ako ng kahabaan ng Katipunan, mas gugustuhin ko pa ring maglakad para makarating sa kabilang dulo. Kung hindi naman kinakailangan, hindi ako nagtra-tricycle papasok sa campus.
Tuwing may nangyayaring aksidente o piyesta dito sa bahagi ng San Mateo na malapit sa amin, lagi nilang sinasara ang main na kalsada. Kung paluwas ng San Mateo ang mga sasakyan, sa may likod ng Sta. Ana at sa Pelbel na pinadadaan ang mga sasakyan. Sa mga papunta sa kabilang direksyon, pinapadaan na ang mga sasakyan sa Paraiso diretso na hanggang palengke ng Guitnangbayan para iwasan ang plaza (na hindi naman ginagamit nang maayos kaya sa kalsada nagdaraos ng flag ceremony o kung ano man ang munisipyo). Tatlong beses nang nangyari na bumaba ako sa Paraiso para maglakad papunta sa amin. Paano kasi nasa kalagitnaan ng Paraiso at plaza ang bahay namin, mas malalayuan pa ako kung hihintayin ko uling bumalik sa main na kalsada ang ruta ng sasakyan. Para ko na ring nilakad ang kahabaan ng Katipunan, pero ayos lang.
Wais ang mga pedikab sa may Paraiso. Kapag alam nilang may fiesta sa Sta. Ana (na hindi ko alam kung naging ok, basta alam ko pumunta ang Wowowee), Guitnangbayan (para sa "kilalang" Kakanin Festival), o di kaya sa Dulongbayan (ang pinakabonggang fiesta sa buong area ng San Mateo at Montalban), pipila na sila sa kanto sa may Paraiso, handa para sa mga tulad kong nakatira sa Sta. Ana at Pelbel. Mabilis din silang mag-isip. Tulad nung bumagsak ang apat (sabi ng iba, anim) na poste ng Meralco sa kalsada sa amin. Mula plaza, hanggang sa may Paraiso, sarado ang kalsada. At silang mga padyak, handa na't nakapila. Pero mas gusto ko pa ring maglakad kaysa mag-pedikab.
Ayoko nga rin palang mag-aksaya ng pamasahe (kahit barya lang), kaya naglalakad ako. At para sa isang tulad ko na nangangailangan ng ehersisyo pero hindi nag-eehersisyo, intense na siguro para sa akin ang brisk walking sa initan ng araw. Lalo na't ako yung tipong madalas pinagkakaitan ng pawis.
Mas marami lang ding bagay ang nangyayari kapag naglalakad. Mas marami akong nakikita, malinaw pa di tulad kapag nasa umaandar kang sasakyan. Mas marami akong naiisip dahil walang naghehele sa isipan ko.
Minsan nakakapagod din. Minsan mabagal ang mundo kapag naglalakad. Saka alangan namang lakarin ko Katipunan hanggang San Mateo o vice versa (pero pumasok na rin yun sa isip ko nung panahon ng aftermath ng Ondoy).
Takot na takot ako tuwing mananaginip ako na hindi ko kayang maglakad (o mas specific, hindi ko kayang umakyat sa hagdan). Gumagapang na lang daw ako, tapos kahit na sa paggising dala-dala ko pa rin yung pagkapagal mula sa panaginip ko. Nakakatakot ang mundong nawawalan ng lakas ang mga binti mo't paa.
Kaya gusto ko ang paglalakad.
Ipinaskil ni rachel sa 7:45 PM 0 (mga) komento