So ano na ba?
Ang tanga-tanga ko para mag-volunteer bilang leader ng class paper namin sa PolSci. Tamang tanga lang. Tapos 'eto akong natatanga na lang din dahil sa sarili kong katangahan.
Tatlo pa lang sa mahigit sampu kong kagrupo (na gagawa ng papel) ang kumakausap sa akin (o at least, kinausap ako). O mahabaging langit, bakit sa ganitong paraan n'yo pa ako pinarurusahan? Mas maigi pang madapa uli ako sa sidewalk sa Katipunan (fun experience pa 'yun).
Hindi ko alam kung bakit ko naisipang maglathala ngayon dito. Siguro kasi naglipana uli ang mga bagong gawang blog ng mga kaibigan ko. Naaawa ako dito sa nakabinbin kong blog/project. (Gagi sorry talaga napabayaan kita. Pakiramdam ko may iba na ako ngayon, pero...ewan.)
At bakit sa lahat ng bagay na kailangan pang isulat dito, ay ang akin pang katangahan. Di man lang isang maikling pagninilay tungkol sa mga naganap sa akin ngayong araw na ito (na tila ba isang roller coaster ride: masaya - boring - masaya - sobrang saya - erm - ok lang - heavy - masaya - tae moment - k lang - kilig to the max - k lang, at magpasawalanghanggan). O tungkol sa itim na pusa na bumibisita sa amin gabi-gabi, na kagabi pa'y nakitulog sa kama ko. O isang matinding paglalarawan ng pakiramdam na kulang sa tulog ngunit hindi inaantok at pinag-iisipan pa kung iinom uli ng kape para magpuyat uli para naman may magawa ako para sa aking mga klase at napakarami pang iba. Puwede rin siguro akong gumawa na napakahabang entry na pupunuin ko ng pagpupuri sa bago kong planner dahil naman karapatdapat lamang -- kung mayroon akong oras, ngunit dahil wala, isisiksik ko sa isang salita ang aking blog entry tungkol sa aking planner: sublime! At ang araw na ito: surreal!
Manigong bagong taon at mahal ko kayong lahat. 'Yun na lang muna.
Miyerkules, Enero 5, 2011
Matagal-tagal na rin
Ipinaskil ni rachel sa 11:59 PM
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento