Sayang, hindi ko ma-embed hehe.
At 'eto rin.
Gusto ko lang umiyak nang umiyak nang umiyak. Yun lang ata ang gustong gawin ng katawan at isip ko ngayon, ang umiyak.
Miyerkules, Marso 17, 2010
Tears came (are coming) too late
Ipinaskil ni rachel sa 9:36 AM 2 (mga) komento
Sabado, Marso 13, 2010
Ang Mukha
Mahilig talaga akong magkuwento. Lagi kong nakakalimutan na mahilig akong magkuwento. Pero hindi ako madaldal, makuwento lang talaga ako. May pagkakaiba ang dalawa.
Naalala ko noong bata pa ako, tuwing pupunta kaming Quezon o Manaoag at makakasama namin ang mga tito at tita ko sa side ni Daddy lagi akong may bagong kuwento. Mga alamat ng Pinya, Mangga, Kawayan, Mundo, Tao, atbp. Basta marami akong archives ng mga alamat at isang sabi lang nila automatic akong nagpla-play na parang audio book. Minsan, may mga kulang sa kuwento. Madalas may mga dagdag na. Lagi nila akong hinihingan ng kuwento, o nagpapaulit sila ng kuwento kasi gusto uli nilang marinig. Alam kong nagiging katawa-tawa na ako nun pero naintindihan kong bata pa naman ako at dapat lang katawa-tawa ako. Bunso pa ako nun. Ngayon iniisip ko kung bakit mas tinulak nila ako sa pagkukuwento ng mga modified na alamat imbes na sa pagtayo sa ibabaw ng mesa habang kumakanta ng Ako May May Lobo.
Pagdating ng huling bahagi ng elementarya, natigil sandali. Hindi muna ako gaano nagkuwento. Hindi na rin ako maituturing na bibo noon. Hindi na ako ang bunso. Sa halip, nakinig muna ako sa mga kuwento ng iba.
Nariyan ang mga biro at naratibo ni Ezra noong Grade 4 (na nito ko lang uli maiisip, hindi pala pambata). Laging wala ang guro namin noon, kaya tatayo si Ezra sa upuan niya at magkukuwento. Sa mga salaysay niya, nakilala ko si Boy Pepe at ang kaniyang pakikipagsapalaran sa mga binoculars, airplane, at gubat. Minsan sasayaw din siya sa sarili niyang kanta. Ala-performance "poetry" ang mga pagtatanghal ni Ezra, ngayong binabalikan ko ang mga ito.
Grade 4 din ako noong nasira ang tv namin. Maling timing, kasi nasa exciting na parte na noon ang Fushigi Yuugi. Pagdating sa school, ikukuwento uli ng mga kaklase ko ang napanood nilang episode. Makikinig lang ako, ginuguhit sa isip sina Nakago, Miaka, Tamahome, Hotohori, atbp.
Matapos ang pakikinig na phase, bumalik uli ako sa pagkukuwento na nadala ko hanggang high school. Hindi pa laganap ang internet noon. Wala pang bittorrent at rapidshare para sa pag-download ng mga pelikula. Hindi pa rin kalat ang mga rentals ng VCD - o kung meron man, hindi nila trip ang magrenta. Ako ang naging sagot nila sa problemang iyon. Naaalala ko pa kung paano ko kinuwento nang buo at nang detalyado sa mga kaklase ko ang Daredevil, Shutter, My Sassy Girl, Windstruck, at V for Vendetta. Sa isang pelikula, nagtatagal siguro ang pagkukuwento ng mga tatlong pagkikita. Hindi ko alam kung paano at bakit ko pa ginawa iyon, kung pinahiram ko na lang sa kanila yung VCD e di sana di pa ako namaos (madali rin kasi akong mamaos noon, sensitibo ang tonsil ko).
At ang punto? Ewan ko. Gusto ko lang din sigurong siguruduhin na sa buong buhay ko lantad na sa akin kung ano ang magiging trabaho o katuturan ko sa mundo. Nakakatawa na halos buong buhay ko, nagpumilit akong makisabay sa mga magagaling gumuhit at magpinta. (Pero sabi rin ni Hubert Fucio, hindi pa naman huli ang lahat.) Oo, so 'eto pala 'yun.
Ipinaskil ni rachel sa 10:59 PM 0 (mga) komento
Biyernes, Marso 12, 2010
Puwedeng Maikuwento
Pagkatapos makabasa ng isang notification sa Facebook, nag-auto play itong eksena sa isip ko:
May isang gurong babae ang nagbigay ng assignment sa kaniyang mga estudyante. Sinabi niya iyong thesis statement, iyong mga inaasahan niyang mababasa niya sa final na bersiyon ng papel, mga specifications, atbp.
"Malinaw?" Parang retorikal na ang tanong niya, sapagkat nakayuko na siya at inaayos na niya ang mga gamit niya. Malapit nang tumunog ang bell, may klase pa siya sa kabilang gusali.
Pinigil niya ang sariling humikab nang may isang estudyante ang nagtaaas ng kamay at nagsalita, hindi na hinintay ang pagtawag ng guro.
"Ma'am, single spaced po o double?"
Nagpanting ang tenga ng guro sa tanong. "Single."
Pagkatapos nu'n marami pang sumunod.
"Ilang pages po?"
"2 pages ang minimum, 4 pages maximum. Pero nasa sa inyo rin 'yun, kung sosobra pa bakit hindi."
"TNR ho ba Ma'am?"
"Times New Roman o Arial, o kahit anong font basta hindi Windings. O Comic Sans."
"May deduction ba pag late?"
"Yes, mababawasan ng letter grade per day na late ang papel."
"Single spaced po?"
Kinuskos niya ang kaniyang kaliwang mata, ngunit sa maingat na paraan. Ayaw niyang mamugto ito muli. "Oo."
"Kung magsa-site po ng sources, Turabian o MLA?"
"Kung sa'n kayo komportable."
"Single-spaced?"
Sinilip niya ang oras sa kaniyang relos. Ang tagal namang mag-bell. "Oo."
"Puwede ho bang gumamit ng info from Wikipedia?"
"Hmm, kung may makikita kayo sa library mas maigi."
"Sa pigeonhole na lang ho ba ipapasa?"
"Puwede rin sa klase."
"Single?"
Putek. "Oo." Hindi niya napansing hinawakan niya ang kaniyang kaliwang kamay, sa palasingsingan. Napaatras ang kaniyang kanang kamay sa nadamang kawalan ng malamig na bakal na nakasanayan na niyang himasin kung nababagot.
"Ma'am! Anong dimensions ng short bond paper?"
Nagtawanan ang buong klase. May mga naglabas ng short bond paper upang ipakita sa estudyanteng walang kamuwang-muwang sa sukat ng short bond paper.
Sa likuran ng klase, may isang lalaki ang nagtanong sa kaniyang katabi, palibhasa hindi siya nakikinig sa diskusyon sa klase at abalang-abala siyang nakikipag-necking sa katabi niyang babae na tinatawag niyang Sweetie. Ang sabi, "Uy ano daw uli, single yung paper?"
"Oo, single siya," sagot ng katabi ng estudyanteng hindi nakikinig.
"Kanina pa kayo ha! Ano'ng problema kung single?"
Tumunog na ang bell senyales ng pagwawakas ng klase. Walang gumalaw upang umalis. Mahigpit ang hawak ng babaeng guro sa gilid ng mesa - dahil sa inis, dahil sa hiya. Tumayo siya nang tuwid at nagsabi, "Sige, tutal makulit kayo. Bahala na kayo sa itsura ng ipapasa n'yong papel." Sabay mabilis na pagkuha sa mga gamit niya sa ibabaw ng mesa at naglakad nang mabilis.
+++
Lagi na lang tayong naglalakad nang mabilis, papalayo. Hindi mo namamalayan, pare-parehong simula lang din ang dinaraanan mo.
Bakit ganun B? Konting pagpaparamdam mo lang, natutulak mo na akong magsulat. (At ni hindi nga ikaw ang nagparamdam! Pero naroon ka. Bahid. Latak.) Hindi naman sa ayoko, pero wala lang. Bakit? Lagi na lang. Dahil diyan mabuti kang kaibigan kahit na tila mga liwanag-taon ang layo natin. Mananatiling ganoon/ganito.
Ipinaskil ni rachel sa 10:19 PM 0 (mga) komento
Buhay pa ako
Hindi lang ako makausad.
Hindi rin kasi nakakatulong na masakit ang katawan ko ngayon. Kahina-hinalang antok na antok din ako ngayon, samantalang maaga-aga naman akong natulog kagabi.
May mga bagay lang akong kailangang tapusin, at kailangang simulan. Nakakapagod din isipin. Kung puwede nga lang sana, itutulog ko na lang 'to. Oo, maaga akong uuwi ngayon at itutulog ko muna 'to. Pero sa ngayon, may mga kailangang tapusin.
Nababanas na ako, at hindi maganda yun. Kasi kapag nabanas ako, marami akong kinakalimutan. Nawawala ako sa matinong pag-iisip. Sarili ko lang ang mahalaga. Yun yung "ano'ng pakialam ko ngayon?" na attitude. Oo, delikado. Sarili ko rin naman ang madededaho kung sakali. Tulad ng attitude ko ngayon sa foreign language subject ko na Japanese. Kulang na lang maging idol ko si 1900: fuck the (insert object/concept/institution).
Isa lang siguro ito sa mga biglaang pagbabago ng mood ko (Sabay tingin sa kalendaryo. Kailan nga pala ako huling dinatnan?)
Hindi. Antok lang 'to. Gusto ko lang matulog. Yun lang.
Marami akong magagandang plano para sa bakasyon. May plano rin ako sa blog na 'to. Hindi naman habambuhay nakatago lang ito. Gawing lubos ang proyekto. Tutal yun naman talaga ang saysay nito, kung tama pa pagkakaalala ko: ang harapin ang aking takot na magsulat o maghayag ng mga totoo kong saloobin at karanasan, a.k.a. isang ehersisyo sa pagsusulat ng nonfiction (personal).
Masarap pakinggan. Sana mapangatawanan.
Sa ngayon, kanta muna tayo:
Ipinaskil ni rachel sa 11:34 AM 0 (mga) komento