Linggo, Mayo 16, 2010

Umagang-umaga, may nagbigay ng rosas



Galing sa 750words.com:


"You have 41 points so far this month. You've written something on 53% of the days this month, and have completed 750 words on 88% of the days you started. Pretty good!
15 more days to go in this month."

Hihi, penguin na ako. Nakakabanas kaya sa simula, itlog. Nung nag-3 days in a row ako naging peacock, kaya lang may nangyaring sobrang babaw na naging dahilan para di ako makapagsulat para sa ika-apat na araw, kaya bumalik uli ako sa pagiging itlog. Pero ngayon penguin na ako haha!

Sana magtuloy-tuloy na 'to. Kasi seryoso, dahil sa 750words.com bumabalik na uli yung momentum ko at yung friendship ko sa mga salita.

Sabado, Mayo 15, 2010

Gusto ko ng mangga

Expert daw akong kumain ng mangga, sabi nila. Sa amin dito sa bahay, ako lang yung talagang kinakain yung mangga nang buo - hindi naman buong-buo, madalas kasi pisngi lang kinakain ng mga tao e, iniiwan nila yung buto o yung gitnang parte. Ako, sinusulit ko yung buto - lalo na kung hinog na hinog yung mangga. Sayang naman e. Tsaka nandun yung pleasure, yung full contact mo sa mangga - sa may buto, ang core. Mayroon ding iba sa pagkain ng mangga, kailangan naroon ka. 'Yung pakiramdam na hindi mo nararamdaman kung mansanas ang kinakain mo, o rambutan, o avocado, o pakwan. Mangga kasi e.

Nung nasa high school ako, may tula kaming binasa at pinag-aralan bilang introduksiyon sa tula. Hinahanap ko nga sa internet, hindi ko mahanap kasi di ko na matandaan kung ano ang pamagat at kung sino ang nagsulat. Basta kinumpara ng makata ang pagkain ng mangga sa pagbabasa ng tula. Mula sa pagbabalat, sa pagkain sa pisngi, hanggang sa pagsipsip sa mga lamang dikit sa buto, dapat dahan-dahan. Ninanamnam.

'Yung huling beses na talagang nag-indulge ako sa pagkain ng mangga (at 'yun din talaga ang dahilan kung bakit lumobo ako nang sobra) ay nung nasa elementary ako. 'Yun 'yung panahon na taon-taon di namin nakaliligtaang pumunta sa Pangasinan - sa Manaoag (lugar ng mga Marra) man o sa Bugallon (pugad ng mga Valencerina). Isang bakasyon, pumunta kami sa Manaoag. May kamag-anak kami na mayroong maraming-maraming puno ng mangga - 'yung normal na mangga, indian mango, apple mango, etc. Pagbalik namin sa San Mateo, punong-puno ang van namin ng mga kaban ng mangga. Araw-araw, mangga ang almusal, palamis sa tanghali, meryenda, palamis sa gabi, at midnight snack namin (kahit na nagbubungang-araw ang daddy at kuya ko sa mangga). Dumating nga sa punto na kailangan na talaga naming ubusin yung natitirang tatlo o apat na kaban kasi sobrang hinog na at malapit nang mabulok. Ang ginawa ni mama, gumawa siya ng mga ice candy at ice cream (na may iba't ibang level ng consistency/creaminess).

Ang tagal ko nang hindi kumakain ng mangga. Halos nakakalimutan ko na nga ang lasa. Nangyari pa ngang isang gabi, nagising na lang ako bigla sa kalagitnaan ng pagtulog dahil sa amoy ng mangga. Biruin mo 'yun.

Gusto ko ng mangga. Magdala ka ng marami. Sabay tayong kumain.

Lunes, Mayo 10, 2010

Buhay pa ako, di ba?

So ano, sumusulat pa ba ako?

Well obviously ngayon, oo. Kahit simpleng journal entry lang o scribbles, imaginary to-do list na hindi rin nasusunod. At oo, yung 750words.com sobrang laki ng tulong sa pagbabalik ng ego ko. For a time kasi masyado akong na-attach sa sarili ko, na parang naging negation kaya ang nangyari detached talaga ako. Masyado akong naging aware at conscious sa sarili ko bilang ibang tao - sa perspektibo ng isang observer o 3rd person point of view. Nakalimutan ko na dapat nakikita ko ang sarili ko bilang ako at hindi bilang iba. Ang gulo 'no? Basta. At dahil ngayong sa tingin ko properly attached na ako sa sarili ko, bumalik na uli ang ego ko. Mahirap magsulat nang dine-degrade mo ang sarili mo. Wala ka talagang magagawa kung ganun. Kung doon mo naman hinuhugot ang will mo sa pagsusulat, well siguro kani-kaniya lang 'yan.



Kumusta ako?

Aaaaayos lang nmn. Ganito talaga ang masasagot ko sa tanong na 'yan. Ganito, ie-explicate ko:

Aaaaa - Dito ko iniisip kung ano talaga sasabihin ko. Kasi kung magbabago isip ko, magiging Uhm na lang 'to (at ang ibig sabihin nito, magkukuwento ako).

yos - Finalization. Point of no return. 'Pag sinabi kong ok lang ako, ok talaga ako. Paninindigan ko 'yan.

lang - Kasi kahit anong gawin natin, hindi tayo makukuntento. Laging kailangan may lang. Pero normal 'yun. At siguro habit na rin.

nmn. - Naman na mabilis. These days kasi kailangan kong pigilin ang sarili kong maging madaldal. Period. Ayos lang ako. Tapos. Wala akong tiwala sa bibig ko ngayon e.


Sabi ko hindi na muna ako tutula, ano 'yung pinagsusulat ko kaninang madaling-araw?

Ah, 'yun. Mga attempts 'yun p're. Pero palagay ko hindi talaga pantula yung mga freewriting na 'yun. Mailap ang poetic sense sa akin ngayon. Wala pa rin ako sa mood na maging mabulaklak, o maghanap ng pagpuputol ng mga linya o ng dahilan para hindi magputol ng mga linya, o bumuo ng mga bagong imahen, atbp. Pero sinusubok ko. Kasi gusto ko na ring tumula uli. Wala lang ako sa mood. Pero sinusubok ko nga. Ang hirap ng ginagawa ko ha. Unti-unti, bumabalik - yata. At least kanina nagkaroon ako ng impulse na magbasa ng mga tula.


Tila napapabayaan ko na itong Pagtatalop a.

Tanong ba 'yan o parinig? Oo nga, napapabayaan ko nga ito. Kaya nga gumagawa ng post ngayon e. At dahil hiatus(-kunwa) muna ako sa pagtula, pati Bugtong-Hininga napapabayaan ko na rin. Pasensya na.


Bakit nga ba ako nasa hiatus(-kunwa) sa pagtutula?

Dati, may nagsabi sa akin na ang first love ko raw ay pagtula. Ang reaksiyon ko (sa sarili ko lang), hindi, si ano e. Pero seryoso, maaaring first love ko nga ang pagtula. Pero mas nauna akong nahilig sa pagkukuwento na pabigkas. Wala 'yang direktang kinalaman sa hiatus(-kunwa) ko. Siguro back-up rationalization? Anyway, sa madaling salita, napapangitan ako sa mga tula ko. Pakiramdam ko laging may mali. Laging may off. Sa katotohanan naman, lagi namang may mali at off. At bukod pa roon, natatakot din ako sa mga nakikita ko sa mga tula ko. Kasi 'yung mga natatago kong sentiments at emo shit + first world problems nailalabas doon. 'Yung problema ko sa nonfiction, sinakop na rin ang pagtula. Hindi ko naman 'to matatakasan e, kasi kahit anong gawin ko lalabas at lalabas ako sa mga isusulat ko - kahit isang porsyento lang. Naghihintay at naghahanap lang siguro ako ng tamang panahon. Ng tamang imahen. Ng tamang linya. Ng tamang motibasyon.


Hindi ba ako nahihirapan?

Sino ba ang hindi nahihirapan? Kung meron, tara upakan natin. Tapos palanguyin natin sa dagat ng basura.


Kumusta ang pagboto ko?

Masaya. Nagkagulo ng kaunti kasi ang fail ng logistics sa presinto namin. At sana malaman ng buong kapuluan na "precinct" ang tamang spelling at hindi "precint". Sobrang bagal ng pila nung umpisa, maraming nakasingit. Mainit pa at sira ang isang fan sa loob ng classroom. Buti na lang may mga middle-aged tough guy/gals (tulad ng mama ko) na naroon para magtake-over sa pag-aasikaso ng pila. Habang naghihintay, kung anu-ano lang inisip ko. Sa sobrang vague ng kung anu-ano, may pagkakataong napahagikgik ako. Buti (o sana) walang nakapansin. 

Nagulat naman ako sa laki ng balota. Sana wala na lang secrecy folder. Na-excite din naman ako sa machine. 82nd voter ako sa presinto namin! Verified ang aking votes!



Ano man ang mangyari pagkatapos nito, tatanggapin ko nang maluwag sa aking puso. Well, maliban na lang kung mananalo si Erap, o Bro. Eddie, o si Ja-ja-ja-jamby. Kung magkaka-failure of elections, tatanggapin ko rin nang maluwag sa aking puso ang rebolusyon - pero sana hindi patterned after EDSA. Kailangan din kasi ng bansa natin ng bagong kasaysayan. Hindi na maganda ang talab ng EDSA, lumikha na ito ng tila kultong grupo ng mga mamamayan na may mga pansariling interes na rin.


Easy lang.

Sorry, mainit lang kasi e.




 
Blogger design by suckmylolly.com