Hindi ko na alam kung paano isusulat ang buhay ko. Hanggang ngayon hindi ko pa rin napupuno yung journal ko na noong bakasyon ko pa sinimulan. Hindi ko alam kung bakit, napakadalas isinasaisantabi ko yung mga pangyayari sa buhay ko. Ito ba ang idinudulot ng walang habas na pagsusulat ng fiction?
May sinabi kasi sa akin si mama dati, na mabuting naisusulat ng tao yung nararamdaman nila - lalo na kung nalulungkot sila, galit, o kung ano pa man. Pero sabi ko, hindi rin. Kasi kapag naisulat na, puwede mong balikan. Kumbaga yung nararamdaman mo na hindi mo nahahawakan dati, ngayon nakapaloob na sa apat na gilid ng papel. Puwede mong basahin ng makailang ulit, matatandaan mo iyon tulad ng pagkakatanda mo noong isinulat mo ito. Hindi tulad ng alaala, madalas pumapalpak.
Galing din iyang obserbasiyon sa sarili kong karanasan. Marami na rin akong mga notebooks na naging journal, at kapag napagtri-tripan binabasa ko uli. Ang dami ko na ring mga naging sentimyento, pero paulit-ulit lang din. Maraming mga pangalan ang damay sa mga sentimyento ko. Maraming pangalan din ang mga dahilan ng aking pagse-sentimyento.
Pero, sa totoo lang, naiinis ako sa mga sentimyento. Naiinis ako kung bakit may mga sentimyento. Naiinis ako na merong pangangati sa aking isulat ang mga naturang sentimyento. Higit sa lahat, naiinis ako dahil hindi ko matugunan ang pangangating ito.
Madali lang sigurong humarap uli sa notebook ko, at magsulat. Kung ano na naman ba ang nangyari sa akin sa araw na ito, kung gaano kasakit ng puson ko ngayong nireregla ako, kung paanong hindi ko maintindihan kung bakit ganito ako. Pero laging may kulang pagkatapos isulat ang lahat ng mga ito, alam ko laging may kulang. Masyadong ligtas. Tago. Hindi ko alam pero may pagka-duwag.
Pero hindi lang iyon, maski alam ko sa sarili kong ako lang ang makakabasa sa journal ko ay ingat na ingat pa rin ako sa mga isinusulat ko.
Lagi akong naduduwag kapag buhay ko na ang isinusulat ko.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento