Sabado, Oktubre 31, 2009

Kabiguan

Naging favorite subject ko noong high school ang Biology, hindi dahil sa mismong subject kundi dahil sa dali ng pagkuha ng matataas na grado. Dedicated na estudyante pa ako noon kaya wala lang para sa kin ang magkabisa ng kung anu-ano mula sa makapal naming Biology book. Tsaka yung quizzes namin, eksakto 10 items at perfect ka na kung kinabisado mo yung summary sa likod ng pinag-aralang chapter. Maski 10 minutes bago mag-quiz, ayos lang ako. Madali lang yun noon para sa kin ang maka-perfect ng quiz.


Syempre para sa kin madali lang yun noon, dahil adik-adik pa ako noon sa ligayang dinudulot ng pag-akyat sa stage kung kasama ako sa Top Ten at sa pagtitig sa pangalan ko - in Lucida Sans - sa certificate (special paper) of recognition. Pero kahit na hindi ako regular na napapasama sa Top Ten, nandoon pa rin yung reputasyon ko na high achiever. Lahat ng mga kaklase ko, yun ang tingin sa kin. Minsan pag nagbibitaw sila ng mga paghanga, sinasabi ko na tsamba lang yan, ngayon lang yan, sinuwerte lang ako. At sa susunod na quiz o test, mababa na ang grado ko.

Hindi ko alam kung sadya ko yan o hindi. Basta ang alam ko, ayoko na nagkakaroon ako ng partikular na pagkakakilanlan. Dahil paniwalang-paniwala sila na yakang-yaka ko yung mga tests noon, nawawalan ako ng gana na galingan pa sa susunod. Para ngang baligtad, hindi gumagana sa akin ang encouragement o praise. Siguro dahil ayoko ng may inaasahan sa akin. At dahil gusto kong maging bukas sila sa posibilidad na hindi ako laging ganito.

Ngayong nasa college na ako, nakikita ko pa rin 'to sa sarili ko - yun nga lang, hindi na sa pag-aaral kasi wala nang Top Ten at alam ko na ako lang naman talaga ang pinasasaya ko pag sinosorpresa ko ang sarili ko sa kung ano pa ang kaya kong gawin at sa kung ano pa ang kaya ko pa ring gawin sa larangan ng pag-aaral (o kung gusto mong mas sosyal, sa larangan ng akademya). Kunwari, sa pagiging kaibigan. Alam ko na mabait akong kaibigan, pero may mga pagkakataong kailangan ko ring patunayan na hindi ako laging mabait at nagiging masama rin akong kaibigan. Maaaring nangako ako sa iyo, at hanggang ngayon hindi ko pa rin iyon tinutupad - pero hindi sa lahat ng pagkakataon.

Kumbaga, wag ka masyadong umasa sa akin o sa kung sino ako ngayon. Naalala ko dati nung 2nd year high school, bilang intro sa bago naming English teacher at para matandaan niya ang aming mga pangalan, may ginawa siyang activity. Mag-isip ka ng adjective na nagsisimula sa parehong letra kung saan nagsisimula rin ang pangalan mo. Ako si Reliable Rachel. Pero wag kang maniniwala. Dahil tulad ng maraming tao - tulad mo - may kakayahan din akong maghatid ng kabiguan- at alam mo para mula pa lang sa simula ay hindi ka na mabigo, wag na wag mo akong paniniwalaan nang husto.





Biyernes, Oktubre 30, 2009

Pasakit

Madalas na ikuwento sa min dati ni mama, na nung baby pa ako hinawakan ko raw yung takip ng kaldero ng bagong saing na kanin. Hinawakan ko raw, tapos umiyak daw ako nang umiyak kasi napapaso na ako. Pero hindi ko naman inalis yung kamay ko sa kaldero.


Lagi kong binabalikan yung kuwentong yun kapag, kunwari, naiihaw na pala ako ng init ng araw sa kinauupuan kong bench pero tinatamad akong lumipat ng ibang upuan. O di kaya'y inaatake ako ng dysmenorrhoea pero ni hindi ko man lang naisip na uminom ng painkillers. O pag nilalamok na pala ang aking mga binti pero wala akong pakialam. Basta, may pagka-masokista.

Ganito palagi.

Huwebes, Oktubre 29, 2009

Sa Totoo Lang

Hindi ko na alam kung paano isusulat ang buhay ko. Hanggang ngayon hindi ko pa rin napupuno yung journal ko na noong bakasyon ko pa sinimulan. Hindi ko alam kung bakit, napakadalas isinasaisantabi ko yung mga pangyayari sa buhay ko. Ito ba ang idinudulot ng walang habas na pagsusulat ng fiction?


May sinabi kasi sa akin si mama dati, na mabuting naisusulat ng tao yung nararamdaman nila - lalo na kung nalulungkot sila, galit, o kung ano pa man. Pero sabi ko, hindi rin. Kasi kapag naisulat na, puwede mong balikan. Kumbaga yung nararamdaman mo na hindi mo nahahawakan dati, ngayon nakapaloob na sa apat na gilid ng papel. Puwede mong basahin ng makailang ulit, matatandaan mo iyon tulad ng pagkakatanda mo noong isinulat mo ito. Hindi tulad ng alaala, madalas pumapalpak.

Galing din iyang obserbasiyon sa sarili kong karanasan. Marami na rin akong mga notebooks na naging journal, at kapag napagtri-tripan binabasa ko uli. Ang dami ko na ring mga naging sentimyento, pero paulit-ulit lang din. Maraming mga pangalan ang damay sa mga sentimyento ko. Maraming pangalan din ang mga dahilan ng aking pagse-sentimyento.

Pero, sa totoo lang, naiinis ako sa mga sentimyento. Naiinis ako kung bakit may mga sentimyento. Naiinis ako na merong pangangati sa aking isulat ang mga naturang sentimyento. Higit sa lahat, naiinis ako dahil hindi ko matugunan ang pangangating ito.

Madali lang sigurong humarap uli sa notebook ko, at magsulat. Kung ano na naman ba ang nangyari sa akin sa araw na ito, kung gaano kasakit ng puson ko ngayong nireregla ako, kung paanong hindi ko maintindihan kung bakit ganito ako. Pero laging may kulang pagkatapos isulat ang lahat ng mga ito, alam ko laging may kulang. Masyadong ligtas. Tago. Hindi ko alam pero may pagka-duwag.

Pero hindi lang iyon, maski alam ko sa sarili kong ako lang ang makakabasa sa journal ko ay ingat na ingat pa rin ako sa mga isinusulat ko.

Lagi akong naduduwag kapag buhay ko na ang isinusulat ko.


 
Blogger design by suckmylolly.com