Kaya siguro maraming manunulat ang marunong magsigarilyo, dahil sa pakiramdam na ito:
Yun bang di ka mapakali, may nais kang isulat pero gusto mo ring mag-jumping jacks at mag-jogging. May naiisip kang konsepto pero kumakawala, kaya gusto mo na ring magwala. Kung pwede lang sanang ikadena mo ang sarili mo sa upuan. Pero alam mong mababaliw ka. Mababaliw at mababaliw ka.
Linggo, Setyembre 12, 2010
Meiosis
Ipinaskil ni rachel sa 10:27 PM 1 (mga) komento
Biyernes, Setyembre 10, 2010
Paglalakad:
Mas gusto kong maglakad, kaysa mag-tricycle o pedikab. Siguro epekto rin ito ng mga kung anu-anong nangyayaring nakawan o krimen na may kinalaman sa pagsakay sa tricycle, pedikab, at pati na rin sa taxi. Dahil sa talamak na krimeng nangyayari sa paligid, hindi maiiwasang mawalan ako ng tiwala sa ibang tao - tulad nung naramdaman kong pagkahungkag nung ninakaw yung cellphone ko. Siguro yun yung isang saglit sa buhay ko na muntik nang mawala ang tiwala ko sa buong lipunan. Dahil para sa akin, anon ang nangnakaw ng phone ko, na maaaring siya, ikaw, kung sino man, at nirerepresenta niya ang mga nilalang na maliban sa aking sarili. Alam mo yun, yung bang ikinilos mong pagsakay sa jeep, simple lang yun at tila ba napakakaraniwang gawain pero sa aktong iyon ipinagkakatiwala mo ang buhay mo sa driver at konduktor, nagtitiwala ka sa katabi mo na hindi ka hihipuan o nanakawan. Sila, hawak nila ang buhay mo - responsibilidad ka nila (at sana alam nila yun no) tulad ng pagiging iba mo para sa kanilang perspektibo.
Sa pagpili ng paglalakad imbes na pagsakay sa kung ano mang uri ng transportasyon, nararamdaman kong mas ligtas ako. Hindi naman sa mas konti ang porsyento para sa aksidente o kung ano man kung maglalakad lang ako (para ngang mas malaki pa e). Meron lang iba, na hindi ako gaano mag-aalala tungkol sa iba kung wala man silang pakialam sa kaligtasan ko.
At syempre, gusto ko lang naman talagang maglakad. Kunwari, nasa pinakadulo ako ng kahabaan ng Katipunan, mas gugustuhin ko pa ring maglakad para makarating sa kabilang dulo. Kung hindi naman kinakailangan, hindi ako nagtra-tricycle papasok sa campus.
Tuwing may nangyayaring aksidente o piyesta dito sa bahagi ng San Mateo na malapit sa amin, lagi nilang sinasara ang main na kalsada. Kung paluwas ng San Mateo ang mga sasakyan, sa may likod ng Sta. Ana at sa Pelbel na pinadadaan ang mga sasakyan. Sa mga papunta sa kabilang direksyon, pinapadaan na ang mga sasakyan sa Paraiso diretso na hanggang palengke ng Guitnangbayan para iwasan ang plaza (na hindi naman ginagamit nang maayos kaya sa kalsada nagdaraos ng flag ceremony o kung ano man ang munisipyo). Tatlong beses nang nangyari na bumaba ako sa Paraiso para maglakad papunta sa amin. Paano kasi nasa kalagitnaan ng Paraiso at plaza ang bahay namin, mas malalayuan pa ako kung hihintayin ko uling bumalik sa main na kalsada ang ruta ng sasakyan. Para ko na ring nilakad ang kahabaan ng Katipunan, pero ayos lang.
Wais ang mga pedikab sa may Paraiso. Kapag alam nilang may fiesta sa Sta. Ana (na hindi ko alam kung naging ok, basta alam ko pumunta ang Wowowee), Guitnangbayan (para sa "kilalang" Kakanin Festival), o di kaya sa Dulongbayan (ang pinakabonggang fiesta sa buong area ng San Mateo at Montalban), pipila na sila sa kanto sa may Paraiso, handa para sa mga tulad kong nakatira sa Sta. Ana at Pelbel. Mabilis din silang mag-isip. Tulad nung bumagsak ang apat (sabi ng iba, anim) na poste ng Meralco sa kalsada sa amin. Mula plaza, hanggang sa may Paraiso, sarado ang kalsada. At silang mga padyak, handa na't nakapila. Pero mas gusto ko pa ring maglakad kaysa mag-pedikab.
Ayoko nga rin palang mag-aksaya ng pamasahe (kahit barya lang), kaya naglalakad ako. At para sa isang tulad ko na nangangailangan ng ehersisyo pero hindi nag-eehersisyo, intense na siguro para sa akin ang brisk walking sa initan ng araw. Lalo na't ako yung tipong madalas pinagkakaitan ng pawis.
Mas marami lang ding bagay ang nangyayari kapag naglalakad. Mas marami akong nakikita, malinaw pa di tulad kapag nasa umaandar kang sasakyan. Mas marami akong naiisip dahil walang naghehele sa isipan ko.
Minsan nakakapagod din. Minsan mabagal ang mundo kapag naglalakad. Saka alangan namang lakarin ko Katipunan hanggang San Mateo o vice versa (pero pumasok na rin yun sa isip ko nung panahon ng aftermath ng Ondoy).
Takot na takot ako tuwing mananaginip ako na hindi ko kayang maglakad (o mas specific, hindi ko kayang umakyat sa hagdan). Gumagapang na lang daw ako, tapos kahit na sa paggising dala-dala ko pa rin yung pagkapagal mula sa panaginip ko. Nakakatakot ang mundong nawawalan ng lakas ang mga binti mo't paa.
Kaya gusto ko ang paglalakad.
Ipinaskil ni rachel sa 7:45 PM 0 (mga) komento