Sabado, Pebrero 20, 2010

Matapos ang lahat,

magpapatuloy muli.

Ang dami na namang mga nangyari at nangyayari, wala pang dalawang buwan ang bagong taon na 'to nahahagas na ako. May mga umagang napakapangit ng gising ko, huli ko nang nalalaman naha-harass ko na mga kasama ko sa bahay. Kahit na wala akong regla napapadalas ang mood swings at fluctuation ng emosyon ko. Nagkakasabay-sabay lang talaga lahat. Sabi nga nila, "wrong timing."

Oo, lahat wrong timing. Tulad nung oras na gustong-gusto ka nang simulan yung kuwento ko pero bigla may inutos sa akin. Bad trip 'yun. Tulad nung Jap long test ko pero sinabayan ng problema sa org kaya ayun, malamang may D na sasalubong sa akin pagkatapos ng sem na 'to. Ayoko man ng ganun, ganun talaga e. Tulad nung gusto ko pang matulog pero gigisingin nila ako. Tulad nung pag-atake ng high blood ni Lola Estela kasabay ng paglala pang lalo ng cancer ni Lolo Pilo. Tulad nung patulog na ako pero ginising pa rin ako ni Mama dahil kailangan niyang magpa-antok/magpamasahe ng ulo. Tulad nung nag-play yung paborito kong kanta sa playlist pero kailangan ko nang umalis. Tulad nung di pa nagsisimula yung program ng Matanglawin kagabi pero kinailangan ko nang umuwi. Nakakahiya talaga, parang naki-libre lang ako ng hapunan. Tulad kahapon na dinala ko pa yung Philo handouts ko pero processing session nga pala. Tulad nung mga pagkakataong wala kang pera pero saka ka pipigain para sa pera. Oo, lahat wrong timing.

Pero, kung kilala mo ako. Di ako madalas na nagrereklamo paulit-ulit. Mas gusto ko pa nga yung nanahimik lang ako. Tinatrato yung problema na para bang maliit na pigurin - naka-display, pero inaalikabok, kupas ang kulay. Nariyan pero basta naririyan. Hindi ko man dinadala yung mga pigurin, naririyan lang sila sa isang sulok ng aking isipan - ipinapaalala na naroroon sila.

Minsan nga, pag tinatanong ako, "Anong problema mo?" Ewan na lang nasasagot ko. Sa dami, kailangan pa bang isa-isahin? At kaya rin wala akong maisulat pagdating sa buhay ko: lahat ng nangyayari sa buhay ko tinuturing kong understatement. Tinatapyas ko ang pagiging romanticized ng mga pangyayari, ng mga damdamin. Madalas, sobra-sobra yung natatapyas. 'Yun yung mga panahong namamanhid na lang ako. 'Yun bang tipong, "'Yan na naman," "Ano na'ng bago diyan?"

Iniisip ko rin kasi na, baka ako lang ang nag-iisip na may problema ako. Kasi di tulad ni Manny Villar, di naman ako tunay na mahirap.

Mahilig akong magdala ng problema ng ibang tao. Dinadala ko yung mga pigurin nila, habang yung mga pigurin ko nananatiling naka-display. O baka naman di ko alam, pero dala-dala ko pala?

Hay nako.

Sulat lang.

Sulat lang.

Walang habas.

Sulat.

 
Blogger design by suckmylolly.com